Pinadalhan ng Land Transportation Office (LTO) ng show cause order ang isang lady driver na nag-viral dahil sa tila pag-inom niya habang nagmamaneho.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nakilala na ng LTO ang babae.
“Ito, 'yung violation nila, parang pinagmamalaki pa sa social media. So, ‘yan 'yung pinagbabawal. Haharap po siya sa pagdinig dito sa amin sa LTO para patunayan niya na hindi alak 'yung iniinom niya,” sabi ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao,
Ayon sa ahensiya, inaasahan nitong mas dadami pa ang mga pasaway na magmamaneho kahit nakainom ngayong panahon ng mga party dahil sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon.
Mas pinaigting na ng LTO ang deployment ng kanilang mga unit dala ang mga breath analyzer para ipatupad ang Anti-Drunk and Drug Driving Law.
“Once na nakagawa sila ng aksidente o nakagawa sila ng violation sa kalye o maaksidente sila, maraming perhuwisyo ang nagagawa. Minsan buhay pa, ‘yun ang nawawala,” sabi ni Lacanilao.
Mayroong 400 unit ng breath analyzer ang LTO na nakakalat sa iba't ibang lugar sa bansa. Inaasahan ding darating ang karagdagang unit nitong buwan.
Batay sa medical website ng Medical News Today, sinusukat ng breath analyzer ang alcohol content level sa katawan ng isang tao base sa hangin na binubuga nito.
Humahalo sa dugo ang alcohol mula sa alak at sasama sa hininga ng tao. Depende sa dami ng alak na nainom at sa bilis ng kaniyang metabolism ang magre-reflect sa datos ng breath analyzer.
Kinokonsidera na ng LTO na drunk driving kapag 0.5 ang blood alcohol concentration ng isang nagmamaneho ng sasakyan.
Mas mahigpit sa mga driver ng public utility vehicle at motorsiklo na dapat zero ang alcohol sa katawan.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
