Magpapasko sa kulungan ang tatlong magbabarkada na hinuli dahil sa umano’y serye ng pagnanakaw sa Rodriguez, Rizal at Quezon City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na pinagnakawan ng 33-anyos na si alyas “Kalbo,” at 21-anyos na si alyas “Marvin” ang isang tindahan ng burger sa Barangay San Jose.
Tinangay umano ng mga suspek ang isang tablet at perang nasa P5,000.
“Pumasok lang 'yung isa roon tapos may spotter doon sa labas, may nakahanda sa motor para in case na may pulis na reresponde, makakaalis agad sila. Pumasok talaga sila mismo... tinakot 'yung ano, na hold up daw, kinuhaan ng pera,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Arwyn Gaffud, hepe ng Rodriguez Police.
Ayon sa dalawa, dati na nilang kasama ang isa pang suspek na si alyas “Ryan,” 21-anyos, sa pagnanakaw sa isang gadget store noong Nobyembre.
“Tatlo sila dahil 'yung isa sa mga previous incident kasama 'yung isa pero doon sa latest incident ng hold up, dalawa lang sila roon,” sabi ni Gaffud.
Nabawi ang motorsiklong ginamit umano nila sa krimen, kasama ang ilang hindi lisensiyadong baril. Hindi naman na narekober ng pulisya ang mga ninakaw gamit.
Umamin sina alyas Marvin at Kalbo sa krimen.
“Dala lang po ng pangangailangan namin,” sabi ni alyas Marvin.
“Nagkayayaan po kami pero hindi po namin sinasadya na gawin ‘yon. Nagkaroon lang talaga ng matinding pangangailangan. Mareremata ho kasi ‘yung bahay namin. Napakasakit po. Hindi ko po makakasama ‘yung pamilya ko lalo na magpapasko na,” ayon naman kay Kalbo.
Iginiit naman ni alyas Ryan, na nadamay lang siya.
“Kakalaya ko lang din po kasi. Napasama lang po ako. Sa korte na lang po ako nagpapaliwanag,” sabi ni alyas Ryan.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong robbery at illegal possession of firearms, at nakakulong na sila sa custodial facility ng Rodriguez Police.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
