Natagpuang walang malay at unresponsive si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral sa malalim na bahagi ng Kennon Road sa Tuba, Benguet nitong Huwebes ng gabi. Si Cabral ang itinuturong nasa likod ng tinatawag na “allocable” funds.
Ayon sa Benguet Police Provincial Office, may lalim na 20 hanggang 30 metro, at malapit sa Bued River, ang lugar kung saan natagpuan si Cabral, ilang oras matapos umanong sabihan ang kaniyang driver na iwan siya sa Kennon Road.
Bagaman iniimbestigahan pa ang dahilan ng insidente, lumitaw sa paunang pagsisiyasat ng mga awtoridad na nasa Kennon Road si Cabral at driver nito dakong 3:00 p.m. patungong La Union.
Pero ipinatigil umano ni Cabral ang sasakyan sa Maramal, Camp 5, Camp 4, at nagpaiwan.
Nang balikan ng driver si Cabral dakong 5 p.m., hindi na niya ito makita.
Dakong 7 p.m., nang magpatulong na ang driver sa mga awtoridad upang hanapin ang dating opisyal.
Si Cabral ang itinuturong nasa likod ng tinatawag na “allocable,” sa paglalaan ng pondo para sa mga mambabatas na inilaan sa flood control projects na umano’y ginamit sa katiwalian.
Kabilang si Cabral sa mga dating opisyal ng DPWH na inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na kasuhan kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.—FRJ GMA Integrated News

