Pinaniniwalaang nananatili ang dating mambabatas na si Zaldy Co sa loob ng isang gated community sa Lisbon, Portugal, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes.

Sinabi ni Remulla na "pretty certain" ang mga awtoridad tungkol sa lokasyon ni Co batay sa patuloy na surveillance efforts ngunit ipinuntong hamon ang pagpasok sa lugar.

“Nasa Portugal siya. We're pretty certain nasa Lisbon siya. Isang gated community. Halos hindi lumalabas ng bahay,” sabi ni Remulla sa isang panayam sa Dobol B TV.

“Meron kaming operatives na tumitingin, nagsu-surveillance siya. Pero halos ‘di lumalabas ng bahay. Nandoon lang sa loob. Hindi kasi makakapasok doon sa gated community na iyan,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga hamon sa pagdakip kay Co ang kawalan ng kasunduan sa ekstradisyon sa pagitan ng Pilipinas at Portugal. Gayundin, naiulat na may hawak na pasaporte ng Portugal si Co.


“The government will apply all the pressure necessary. Kasi ngayon, lahat ng assets niya, malapit na ma-seize. Lahat ng pera niya rito, on hold. Lahat ng properties niya, lahat ng negosyo niya, nakukuha na ng gobyerno. Kahit paano, kung sino ka man, ipaglalaban mo 'yan. In all legal ways, hindi kami manggigipit na hindi legal,” sabi ni Remulla.

Noong Nobyembre 2025, naglabas ng mga warrant of arrest laban kay Co at iba pa, kabilang ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga direktor ng Sunwest Corp. dahil sa mga maanomalya umanong flood control projects.

Nauna nang nagsampa ang Ombudsman sa Sandiganbayan ng mga kasong katiwalian at malversation of public funds laban kina Co at sa iba pa kaugnay ng P289 milyong proyekto sa Oriental Mindoro.

Itinanggi ni Co ang mga alegasyon. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News