Inilahad ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes na may mga ulat na nasa Cambodia ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
“May information na nasa Cambodia. But that’s raw information… Kasi nag-set up siya ng online sabong sa Cambodia,” sabi ni Remulla sa isang panayam sa Dobol B TV.
Gayunman, sinabi ni Remulla na kumpiyansa silang nasa Pilipinas pa rin si Ang.
Dagdag niya, tinatrabaho na ng mga awtoridad ang kanselasyon ng pasaporte ni Ang para mapigilan siyang makabiyahe.
Sinabi ng kalihim ng DILG na posibleng hilingin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagkaka-aresto ni Ang sa gobyerno ng Cambodia kung makumpirma ang impormasyon.
“Kapag i-cancel po ’yan, ang ASEAN magiging chairman ang ating Pangulo. Puwede niya pang i-request ’yan sa kapwa pangulo niya o hari yata sa Cambodia,” sabi ni Remulla.
“Katulad ng ginawa kay Teves. Ni-request niya ’yun sa Timor-Leste, tapos sinuli dito,” dagdag niya.
Tinutukoy ni Remulla si dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo "Arnie" Teves Jr. na nadakip sa Timor-Leste noong Mayo 2025 kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Mga nawawalang sabungero
Matapos ang P10 milyong pabuya para sa impormasyon ng kinaroroonan ni Ang, sinabi ni Remulla na nakatanggap na ng tip ang mga awtoridad na humantong sa walong operasyon, ngunit hindi natagpuan ang negosyante sa mga iniulat na lugar.
Inisyu ang arrest warrants laban kina Ang at iba pa, mula sa maraming counts ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention kaugnay ng mga nawawalang sabungero.
Si Ang na lamang ang akusadong patuloy na tinutugis.
Pinababawi na ang mga lisensiya ng kaniyang mga armas. Anim na armas ang nakarehistro sa pangalan ni Ang.
Nitong Martes, limang armas lamang ang isinuko sa Mandaluyong City Police Station. Ayon sa abogado ni Ang, isang armas ang nawawala.
Hiniling ng mga awtoridad sa Pilipinas ang pag-isyu ng Interpol red notice laban kay Ang.
Batay sa Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa mga nagpapatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang ekstradisyon, pagsuko, o mga kagayang legal na aksyon.
Ang mga indibiduwal ay magiging wanted ng humihiling na member country, o internasyonal na hukuman. Ang mga member country ay nagpapatupad ng kanilang sariling mga batas sa pagpapasya kung aarestuhin ang isang tao.
Itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kaniya.
Inilarawan ng kaniyang abogadong si Atty. Gabriel Villareal ang arrest warrant mula sa korte ng Laguna bilang “premature” at “legally questionable,” dahil bigo umano ito pagdating sa mga pamantayan ng konstitusyon na dapat na nasunod sa gitna ng mga pangyayari.
“Clearly, the court merely acted on the incomplete and one-sided information provided by the Department of Justice (DOJ) in its determination of probable cause, without having even seen the counter affidavits and exculpatory evidence of the respondents, including that of Mr. Ang,” sabi ni Villareal. —VBL GMA Integrated News

