Isang vlogger ng ginto at tatlo niyang kasamahan ang hinoldap ng 10 armadong mga lalaki sa Pasay, kung saan natangay ang mahigit P6 milyong halaga ng alahas at pera. Ilan sa mga suspek, napag-alamang SK chairman at kagawad pa.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang paghinto ng dalawang SUV sa Tejeron Street, Barangay 792 sa Santa Ana, Maynila, pasado 10 p.m. ng Miyerkoles.

Ilang saglit lang, bumaba mula sa puting SUV ang driver at isang lalaki habang dala-dala ang tila mahabang bagay na nakabalot ng tela.

Hindi pa rin bumabalik ang dalawa ilang minuto na ang nakararaan kaya nagka-traffic na sa lugar.

Hanggang sa dumating ang mga taga-barangay, na nagtaka kung bakit inihambalang lamang sa kalsada ang puting SUV.

Sinabi ng barangay na nakita ng isang mag-asawa na sumakay sa itim na SUV ang dalawa.

“Kumanan dito sa may A. Francisco, dire-diretso na. ‘Yung kuwento niya parang iba, parang natatakot siya. Kaya tumawag tayo agad ng back-up sa kapulisan natin. Bale nakita natin may parang cable tie na pula doon sa may lapag tapos ‘yung dalawang tsinelas doon sa driver seat,” sabi ni Kagawad Arman Perez ng Barangay 792, Manila.

Kalaunan, dumating na rin ang napakaraming pulis mula sa Manila Police District at Pasay City Police Station.

Sinusundan umano nila ang puting SUV na hinijak (hijack) umano ng dalawang armadong lalaki sa Barangay 190, Pasay City.

Nasa SUV noong una ang apat na biktima, kabilang ang 24-anyos na content creator at seller ng ginto.

“Yung sasakyan po ng mga biktima po natin, biglang hinarang ng suspects. Then 'yung driver at saka 'yung pasahero dito sa harap, nakatakas. So dalawa na lang 'yung natitira dito sa likod. So ‘yun ang kinumando ngayon ng mga suspek natin,” sabi ni Police Colonel Joselito De Sesto, hepe ng Pasay City Police.

Humingi ng saklolo sa mga awtoridad ang dalawang nakatakas na biktima, na humantong sa isang dragnet operation ng pulisya.

Sa tulong ng GPS sa sasakyan ng mga biktima, natukoy na nagpaikot-ikot ang SUV hanggang sa makapunta sila sa Santa Ana, Manila.

Nakakuha naman ng tiyempo ang dalawang biktimang nasa SUV, kaya sila nakatakas.

“Nu’ng ililipat na sila sa ibang sasakyan, tamang-tama na-check nila na hindi naka-lock, so doon na sila nagpulasan. Itong mga biktima natin, ito talaga 'yung kanilang negosyo, 'yung mag-trade in ng mga gold,” sabi ni De Sesto.

Nakuha ng mga suspek ang nasa P6 milyong halaga ng alahas at pera.

Makaraan lang ang ilang oras, nahanap ng pulisya ang mga suspek sa isang resort sa Barangay Pansol sa Calamba, Laguna.

Nadakip ang 22-anyos na lalaki na driver umano ng itim na SUV kung saan nabawi ang ilang alahas at pera.

Nakuha rin sa kaniya ang isang granada, ngunit wala na noong mga sandaling iyon ang ibang mga kasabwat umano na mga lalaki.

Mapanonood sa CCTV ng resort ang mga kasamahan ng lalaking driver na kumakain at pinagpapartehan ang kanilang nakuha mula sa mga biktima.

Ayon sa pulisya, tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng anim sa 10 suspek. Dalawa sa kanila ay SK chairman at kagawad pa ng isang barangay sa Pasay.

Lumalabas sa imbestigasyon na kakilala ng mga biktima ang ilan sa mga suspek.

Ito na ang ikalimang pagkakataon na nagawa ng mga suspek ang kagayang krimen sa iba't ibang lalawigan.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang nahuling suspek.

“Sa korte na lang ako magpapaliwanag, sir,” sabi ng nadakip na suspek.

Mahaharap ang mga suspek sa patong patong na reklamo na robbery, paglabag sa comprehensive law on firearms and ammunition, at illegal possession of explosives.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News