Matatapos na sa unang quarter ng taon ang kulungan ng mga masisintensyahan kaugnay ng flood control corruption scandal, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
May inihahanda nang kulungan para sa mga mahahatulang guilty sa maanomalyang flood control projects, ani BuCor Director General Gregorio Catapang Jr.
Ito aniya ay ang pasilidad na malapit nang matapos sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Mindoro Occidental na itinalagang "super max."
Doon aniya ilalagay ang mga serious henious crime offenders, kabilang na ang mga masisintensiyahan kaugnay ng flood control scandal.
"Mayroon naman. Oo, kasi ininspect ko 'yung sa…ongoing kasi 'yung Mindoro kasi designated na super max, so doon ilalagay lahat 'yung mga serious heinous crime offenders. Mayroon na, almost done na, this first quarter matatapos na, just in case na kailanganin na maglagay ng facility para doon sa mga involved sa flood control," ani Catapang.
Isasara na rin aniya ang New Bilibid Prisons at ire-repurpose o gagamitin sa ibang bagay dahil may dalang banta sa seguridad ang lokasyon nito sa Muntinlupa City kalapit ng mga komunidad, kabilang na ang mga first-class subdivision.
"Let's say jailbreak or whatever magiging serious security problem. And then 'yung property na 'yun it can be used for other purposes na kailangan ng gobyerno natin," ayon kay Catapang.
Dati nang sinabi ni Catapang na balak niyang gawing "Global City" ang kinatatayuan ng BuCor headquarters sa Muntinlupa. Sa planong ito, may ilalaang lupa para sa socialized housing at isang government center. — VDV GMA Integrated News
