Tinalo ni Alexandra “Alex” Eala si Himeno Sakatsume ng Japan, 6-4, 6-0, sa Round of 16 ng Philippine Women’s Open ngayong Miyerkules sa Rizal Memorial Sports Complex upang umusad sa quarterfinals.
Humarap si Eala sa mahigpit na laban sa unang set, nang makauna sa paglamang si Sakatsume, 4-3 bago nagwagi ang Pinay tennis ace sa sumunod na tatlong laro upang makuha ang naturang set.
Sa ikalawang set, nahanap na ni Eala ang kaniyang galaw, at maagang lumamang sa kalaban. Napanatili rin niya ang kontrol sa kabuan ng laban at masiguro ang puwesto sa susunod na round.
Inamin ng 20-anyos na si Eala na marami ang naging mahirap na sitwasyon sa kaniya sa unang set.
“But I’m really happy with how I fought through it. I think there were definitely some points na parang sa kaniya na, but I was able to steal a couple, and that’s what pushed me through in the end,” sabi ni Eala.
Ipinahayag din ni Eala ang kaniyang pasasalamat sa malakas na suporta ng mga manonood sa WTA 125 event.
“I think we’ve had a lot of really good matches, and I’m so happy with how many people have turned out throughout the day. Kahit umuulan, kahit mainit, nandito kayo,” saad niya.
Sunod na haharapin ni Eala si Camila Osorio ng Colombia sa quarterfinals sa Huwebes ng gabi.
Matatandaan na tinalo sa unang round ni Eala si Alina Charaeva sa iskor na 6-1, 6-2. – Justin Kenneth Carandang/FRJ GMA Integrated News

