Pinaghahanap ang isang babae matapos tangayin ang cellphone at halos P11,000 mula sa isang bahay sa Pasig. Ang babae, nahuli-cam din bilang nasa likod ng nakawan sa iba pang lugar sa Pasig, Rizal at Maynila.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang video ng paglalakad ng babae sa kalsada, hanggang sa pumasok siya sa isang bahay.
Bago nito, may pinasok rin siyang iba pang bahay.
Isa sa mga nabiktima ang pamilya nina Franczeska Mei Padual at Cyrus noong Enero 20 sa kanilang bahay sa Barangay Maybunga.
Ayon sa kanila, pumasok ang babae sa kanilang gate, umakyat sa ikalawang palapag, bago nagnakaw sa kuwarto kung saan sila natutulog.
"Humakbang po siya siguro mga apat na hakbang mula du'n sa pinto namin. Nakabukas na lang po 'yung kurtina, maliwanag na po ang kuwarto namin. Nagkakapa po ako ng cellphone, wala na po akong makapa. Hanggang sa pinalabas ko po 'yung asawa ko, nakita niya po 'yung wallet namin wala na pong laman," sabi ni Padual.
Naglalaman umano ng perang budget sana sa buong araw nina Padual at kaniyang asawa ang ninakaw na wallet sa ibabaw ng kanilang washing machine.
Natangay rin ang halos P11,000 na laman ng wallet ng kaniyang asawa na nasa kanilang kuwarto, at tanging lisensiya na lamang ang natira.
Ipon daw nila pampagawa sana ng kanilang bahay ang pera.
"Ang tagal na po namin pangarap, ang bumukod. Tapos sinaglit lang na gano'n. Nag-birthday kami. Tiniis naming wala kaming handa. Kasi may pinaglalaanan po kami. Tapos gano'n nangyari," sabi ni Padual.
Tumagal lamang ng anim na minuto ang salarin sa kanilang bahay, ayon sa mga biktima. Matapos maiulat sa barangay at mai-post ng pamilya ang insidente sa social media, lumabas ang ilang nabiktima rin umano ng salarin.
Mapanonood sa iba pang CCTV footage ang babae na tumingin pa sa camera, bago nagtakip at naglagay ng bimpo sa kaniyang ulo.
Makaraang mag-doorbell nang ilang beses, pumasok na siya sa bahay at kinuha ang isang bag at tinangay ito palabas.
Sa ibang lugar din
May nabiktima rin umano ang salarin sa Taytay, Rizal, kung saan nanakaw umano ang pera na pambayad sana ng biktima sa upa sa bahay.
Nahuli-cam din ang salarin sa Santa Cruz, Maynila, na mistulang may kausap sa cellphone bago pumasok sa isang bahay.
"Cellphone po, tapos 'yung cash. Nasa P70,000 po. Bale nasa ilalim ng unan ng mama ko 'yung bag niya. Tapos pagbukas, paggising niya po, nasa harap siya niya kaagad 'yung bag niya. Tapos pagbukas niya wala na 'yung pera niya pati 'yung cellphone," sabi ni Mica Guardo.
Ayon sa barangay, dayo lamang ang suspek sa kanilang lugar at pinaghahanap na ito ngayon. — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News
