Nabalian at namilipit sa sakit ang isang 21-anyos na panadero matapos maipit ang kaniyang kaliwang braso sa makina na pangmasa ng tinapay sa Maricaban, Pasay.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing namamasukan sa isang bakery sa Barangay 179 ang lalaki, na inalalayan ng mga tauhan ng Emergency Medical Services Team ng Bureau of Fire Protection.

Sinabi ng BFP Pasay na inakala nila noong una na simpleng ipit lang ang nangyari.

Ngunit nang makita na nila ang lalaki na naipit ang braso sa dough roller machine, kinailangan pa ng dagdag na EMS personnel.

Gumamit ang BFP ng hydraulic cutter habang marahang inaangat ang braso ng panadero.

“May deformity po kasi naipit po sa roller machine tapos sobrang in pain siya. 'Yung pain scale niya is 10/10, 'yung bleeding din po niya is medyo malala kaya kailangan din po namin i-control 'yung bleeding bago dalhin po sa ospital po,” sabi ni Fire Officer 3 Rowena Manlabao, Emergency Medical Services Team Leader ng BFP Pasay.

Lumabas sa imbestigasyon na katatapos lang ng panadero na magmasa ng dough at lilinisin na sana niya ang makina. Ngunit nakabukas ang makina kaya aksidenteng naipit ang kaniyang kaliwang braso.

Sinabi ng barangay na posibleng magkaroon ng pananagutan ang may-ari ng bakery sa oras na matuklasang walang safety feature na nakakabit sa dough roller machine gaya ng machine guard.

Bukas din ang tanggapan ng barangay kung sakaling gustong maghain ng reklamo ng panadero laban sa panaderya.

Tumangging humarap sa media ang may-ari ng bakery, pero sinabi niyang sasagutin nila ang pagpapagamot sa panadero na kasalukuyang nasa ospital. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News