Tanggal na si Alexandra “Alex” Eala sa Philippine Women’s Open matapos matalo kay Camila Osorio ng Colombia, 6-4, 6-4, sa quarterfinals ng kanilang laban nitong Huwebes sa Rizal Memorial Sports Complex.

Dahil sa pagkatalo, nagwakas na ang kampanya ni Eala sa kaniyang unang paglahok sa isang professional tournament sa kaniyang sariling bayan.

Naging mahigpit ang simula ng laban sa first set at nagawa pa ni Eala na makalamang sa palitan nila ng puntos, 3-2. Subalit nanalo ang dating world No. 33 na si Osorio sa tatlong sunod na laro.

Nagawa pang makasagot ng isang panalo ang Pinay tennis star bago tuluyang angkinin ni Osorio ang tagumpay sa first set.

Sa ikalawang set, muling nakakuha ng maagang 3-2 kalamangan ang Filipina ace, ngunit sinagot ito ni Osorio dalawang magkasunod na panalo at muling makuha ang bentahe.

Naipantay ni Eala ang iskor sa 4-4, ngunit tinapos ni Osorio ang laban sa second set sa pamamagitan ng pagwawagi sa huling dalawang laro.

Sa kabila ng pagkatalo, hiniling ni Eala sa Pinoy fans na patuloy na suportahan ang torneo.

“Sayang, hindi pumasa sa level, pero ang importante, nandito ako sa Manila, sa Pilipinas, at nandito ang WTA,” sabi ni Eala sa post-game interview.

“Enjoy the rest of the week. I hope you all get inspired and learn to love tennis. I love tennis so much, so I’m lucky to be able to share this experience and journey with all of you,” sabi pa niya.

Una rito, tinalo ni Eala sina Alina Charaeva, 6-1, 6-2, at Himeno Sakatsume, 6-4, 6-0.

Sunod na lalahok si Eala sa Abu Dhabi Open matapos makasama bilang wild card entry sa main draw.

Uusad naman si Osorio, sa semifinals ng torneo, at makakaharap si Solana Sierra ng Argentina. Sa kabilang bracket, magtutuos naman sina Tatiana Prozorova at Donna Vekic. — Justin Kenneth Carandang/FRJ GMA Integrated News