Isang 62-anyos na tricycle driver ang sugatan matapos saksakin sa dibdib ng isa ring senior citizen na pedicab driver dahil umano sa agawan sa pasahero sa Malate, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing naganap ang insidente sa Barangay 746 umaga ng Huwebes.

Mapanonood sa CCTV ang 63-anyos na suspek na naglalakad sa Espiritu Street papunta sa kanilang bahay.

Makaraan ang ilang saglit, bumalik ang suspek na may dala nang kutsilyo.

Hindi na gaanong nakunan pa sa CCTV, pero inundayan ng suspek ng saksak ang biktima malapit umano sa pilahan ng tricycle.

Nakapaglakad pa palayo sa pilahan ang duguang biktima.

Sa isa namang kuha, sinamahan na ng mga tauhan ng barangay ang biktima patungo sa ospital.

Batay sa rumespondeng kagawad ng Barangay 746 na si Nilo Mallari, nagalit ang pedicab driver dahil sumakay sa tricycle ang pasahero, kahit siya ang nasa unahan ng pila.

“Parang nagmamadali 'yung pasahero, doon sumakay sa tricycle. Sumama ‘yung loob ng pedicab. Ang sabi nga roon, sa halagang P50, nagkasaksakan kayo?” sabi ni Mallari.

Nasa maayos nang kondisyon ang biktima na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Ang suspek naman, hindi na mahanap umano ng mga awtoridad.

“Nawawala nga po. Simula ng pangyayaring iyon, tumakbo na,” sabi ni Mallari.

Nakuha naman ng isang lalaking umawat sa away ang kutsilyo na ginamit umano ng suspek.

Patuloy ang follow-up operation ng mga tauhan ng Manila Police District para sa ikadadakip ng suspek.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News