Labis ang pagdadalamhati at hindi matanggap ng amang pulis ang sinapit ng 8-anyos niyang anak na nakitang patay sa Victoria, Tarlac, na si John Ysmael. Bago nito, unang nakita ang bangkay ng ina ng bata na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido, sa Bulacan.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing hindi inakala ni Police Senior Master Sergeant John Mollenido, na kalunos-lunos din ang sinapit ng kaniyang anak na si John Ysmael, na natagpuan sa isang taniman ng kalamansi na nakabalot sa plastik.

“Nakakapalumo. Hindi ko pa tanggap eh. Hoping pa nga ako na buhay ‘yung anak ko eh.
Masakit na masakit na masakit. Maraming pangarap 'yung batang ‘yun. Maraming pinangako sa akin. ‘Yung huling usap nga namin, bibilhan na niya nga ako ng sports car, bahay,” sabi niya.

Samantala, sinabi ng awtoridad na hindi pa nila matiyak kung may mga sugat pa sa katawan ang bata dahil nababalot ng plastik ang bangkay nito nang makita noong Huwebes ng hapon.

Bago nito, kinumpirma ni John na anak niya ang nakitang bangkay matapos siyang pumunta sa Tarlac kasama ang ilang kaanak sa punerarya nitong Huwebes ng gabi.

“Base po sa mga huling suot niya, sa gamit niya, sapatos, tapos ‘yung build ng katawan.
Tapos ‘yung mukha, ma-identify pa naman po. Hindi ko kaya siyang tingnan ng gano’ng katagal. Hindi niya deserve ‘yung gano’ng ginawa sa kaniya,” sabi ni John.

Ayon sa kaniya, hindi naihatid sa kaniya ang kaniyang anak noong weekend, na kaiba sa madalas na ginagawa ng dati niyang asawang policewoman.

Nananatili pa ring person of interest si John sa insidente.

“Sa akin, okay lang. Nagkikipag-cooperate naman. Hindi naman ako nagtatago. ‘Pag may mga tanong sila, sinasagot ko. Normal lang naman po ‘yon. Nagkikipag-cooperate lang, sasabihin lang kung alam,” sabi niya.

Hinihintay pa ang autopsy report kaugnay sa sinapit ng batang si John Ysmael.

“So sa ngayon, wala pa tayo talagang concrete details kung sino 'yung posibleng may gawa. But continuously, nagko-coordinate tayo sa mga concerned agencies para mag-backtracking sa pagre-review ng mga CCTVs. Dahil ‘yun lang ang susi para makilala natin kung sino 'yung may-ari ng sasakyan at kung anong klaseng sasakyan ang ginamit nila sa pag-dump doon sa cadaver doon sa lugar,” sabi ni Police Major Marty Calara, hepe ng Victoria MPS.

Dagdag pulisya, huling nakita ang mag-ina noong Enero 16 nang makipagkita sila sa isang ahente para magbenta umano ng sasakyan.

“Nagkaroon ng transaction, tinitingnan din po natin 'yung anggulo na involvement po sa pera… Base po sa report is P400,000,” sabi ni Lieutenant Margaret Panaga, spokesperson ng SPD.

Itinuturing ring person of interest ng Special Investigating Task Group ang ahente sa bentahan ng sasakyan, na lumilitaw na inaanak sa kasal ng biktima.

Sa bisa ng search warrant, pinasok ng mga awtoridad ang isang bahay sa Quezon City kung saan siya huling nakitang buhay.

Meron umanong nakitang blood traces sa bahay na ima-match sa DNA ng mga biktima.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News