Wala nang balasahan sa mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro.
Ginawa ni Castro ang pahayag matapos kuwestiyunin ni Senador Rodante Marcoleta nitong Miyerkoles kung bakit hindi pa natatanggap ng Commission on Appointments (CA) ang appointment letters ng nasa walong acting Cabinet secretaries.
Pinuna ni Marcoleta ang pagkaantala ng CA na kilatisin ang kakayahan ng mga acting secretary. Dagdag pa ng senador, “the constitutional safeguard is effectively destroyed,” kung ipinagpapaliban ang paghirang sa mga opisyal ng pamahalaan,
"Natanong po natin ang Pangulo kanina – wala na pong rigodon, at ang mga pangalan po ay isusumite sa Commission on Appointments the soonest possible," sabi ni Castro sa Palace briefing nitong Biyernes.
Ayon kay Marcoleta, ang mga kagawaran na pinamumunuan ng mga acting secretaries ay ang:
- Office of the Executive Secretary
- Department of Finance
- Department of Public Works and Highways
- Department of Justice
- Department of Budget and Management
- Department of Environment and Natural Resources
- Department of Transportation
- Presidential Communications Office
Raphael Lotilla
Gayunman, sinabi ni Castro na sinusuri naman ang liderato ni Environment Secretary Raphael Lotilla na ilang beses nang na-bypass o hindi nakalusot sa CA.
"Ang nasabi po ay nagkaroon na po ng pangatlo na pag-bypass sa kaniyang appointment so tinitingnan po iyong records ngayon ng Pangulo at ng PMS at tingnan po natin kung ano po ang magiging update tungkol dito," ayon kay Castro.
Dating pinamumunuan ni Lotilla Department of Energy, bago niya pinalitan sa DENR si dating Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, na nagbitiw noong May 2025. — Sundy Locus/FRJ GMA Integrated News

