Sa kabila ng unang inihayag ng Philippine Coast Guard na hindi overloading ang sanhi ng paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 sa karagatan ng Basilan, lumalabas naman na nahigitan na ng mga nakuhang bangkay ang bilang ng mga nawawala, na indikasyon na may mga sakay na wala sa manifesto ng barko.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng isang opisyal ng lokal na pamahalaan na Zamboanga City, na inamin umano ng ilang nakaligtas na hindi sila nakalista sa manifesto ng barko at sa mismong barko na lang bumili ng tiket.
“Mayroong mga pasaherong na nagkukwento, inaamin nila na wala sila sa manifesto dahil bumili silang tiket sa loob na ng barko. Mayroon din nag-amin na bumili ng tiket doon sa mga scalpers. Kaya nga, mayroong talaga wala sa manifesto,” ayon kay Celso Lobregat, Executive Secretary ng Office of the City Mayor ng Zamboanga City.
“Mayroong din mga truck o mga ibang sasakyan, di ba? Pero nakalista lang yung driver, hindi nalistahan yung pahinante,” dagdag niya.
Nitong Huwebes, iniulat ng PCG na 316 sakay ng barko ang nasagip, 18 bangkay ang nakuha, at may 10 pa ang nawawala kung pagbabatayan ang manifesto.
Ngunit 14 na bangkay pa ang nakuha na higit na sa 10 naunang naitalang nawawala.
Nitong Biyernes, umabot na sa 33 ang kabuuang bilang ng mga nakukuhang bangkay.
Ayon sa PCG, ibinasela lang nila noong una ang kanilang impormasyon sa isinumite sa kanilang manifesto ng mga nakasakay sa barko kaya naman marami pa umano talagang dapat silipin at imbestigahan sa kung bakit ito lumubog.
Kasabay ang paghahanap sa iba pang nawawala, patuloy din ang paghahanap sa lumubog na barko.
Tiniis ang dilim at ginaw
Samantala, ikinuwento ng isang ginang ang naging karanasan nila ng kaniyang sanggol na anak na nagtiis sa dilim habang naghihintay na masagip matapos lumubog ang barko.
Ang pitong-buwang-gulang na anak ni Nur-Razam Alih Tiblan, ang pinakabatang nakaligtas sa nangyaring trahediya sa ngayon.
Ayon kay Nur-Razam, may tatlong oras sila ng kaniyang anak sa dagat bago nasagip.
“Buti talaga hindi siya nag-iyak-iyak… Malamig, pero siya parang wala lang talaga. Madilim, wala kang makikita, tapos kung may maririnig ako na magsalita, tinatawag ko [na] tulong, tulong, puwede palapit ka dito para may mahawakan lang kasi may bata ako dito,” saad niya.
Ang isa pang nakaligtas na si Nurjida Sawadjaan, kasama naman sa dagat ang ama, at kaniyang mga anak na 2-anyos at 9-anyos.
Inakala raw niyang katapusan na nila.
“Ito walang lifejacket, ginanyan ko lang sir… Ginaw na ginaw kami. Kung natagalan yun, ewan ko na lang. Hindi pa kami marunong lumangoy. Akala namin katapusan na namin sir. Yung mga anak ko, na-trauma,” pahayag niya.
Pinuntahan umano ng tauhan ng Aleson Shipping Lines ang ilang nakaligtas upang magkaloob ng tulong. – FRJ GMA Integrated News
