Nahuli-cam sa kahabaan ng EDSA ang pagtumba sa kalsada ng isang motorsiklo na may sakay na dalawang tao matapos silang masagi ng isang pulang kotse na umagaw sa kanilang linya.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, madidinig ang pagsigaw ng motoristang nakasaksi sa insidente dahil sa pagkabigla.

Mabuti na lang na walang ibang sasakyan na nakabangga sa rider at angkas niya matapos silang matumba.

Ngunit sa halip na huminto ang driver ng kotse, nagtuloy-tuloy lang ito sa pag-arangkada at tinakbuhan ang dalawng biktima na napahiga sa kalsada.

Ayon sa pulisya, nasa maayos na kalagayan ang mga biktima at handa silang ihabla ang driver ng kotse na patuloy pang hinahanap.

Posibleng maharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property and physical injuries.-- FRJ GMA Integrated News