Nasawi ang isang 35-anyos na tricycle driver matapos pagbabarilin ng riding in tandem suspects sa Sta. Barbara Street sa Ermita, Manila nitong madaling araw ng Linggo.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News “24 Oras Weekend,” sinabi ng saksi na hinabol ng mga salarin ang biktima habang sakay ng kaniyang tricycle at ilang beses na pinagbabaril.

Nagawa pang makaarangkada ng biktima ng ilang metro bago bumangga at natumba sa daan.

Dagdag pa ng saksi, parehong nagpaputok ng baril ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad nasawi.

Napag-alaman sa kaniyang ID na residente siya sa Baseco sa Maynila, at walang plaka ang kaniyang tricycle.

Dumating kinalaunan ang isang kaanak ng biktima na palaisipan kung bakit ito pinatay.

Ayon sa pulisya, walang closed-circuit television (CCTV) cameras sa lugar, at patuloy pa ang imbestigasyon. — FRJ GMA Integrated News