Sumuko ang isa pang suspek sa pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at 8-anyos niyang anak na si John Ysmael, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Nitong Lunes, kinumpirma ni NCRPO chief Police Major General Anthony Aberin sa GMA News Online sa pamamagitan ng text message, na nagtungo sa Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD CIDU), ang suspek.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Super Radyo dzBB, sinabi na ang sumukong suspek ay kapatid ng isa sa mag-asawang naunang dinakip kaugnay sa nangyaring karumal-dumal na krimen.
Sumuko umano ang suspek matapos na makonsensiya at nakaramdam din ng takot.
Bukod sa mag-asawa na kinabibilangan ng isang car agent at dating pulis, isang suspek din ang nagdiin sa kanila sa krimen. Sinasabing nasa kustodiya na rin ng awtoridad si Police Senior Master Sergeant John Mollenido, ang dating mister ni Diane Marie, at ama ni John Ysmael.
???????????????????????????????????????????????????????? ???????? ????????????????????????????????????
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 2, 2026
Isa pang suspek sa pagpatay sa isang babaeng pulis at kanyang 8-taong gulang na anak, sumuko sa pulisya dahil sa siya ay nakokonsensiya at natatakot na. | via Marisol Abdurahman, @gmanews pic.twitter.com/tRSqzTNPCU
Unang iniulat na inaresto umano si John, na kasama sa mga person of interest sa kaso. Pero naglabas ng pahayag ang kaniyang kampo para linawin na kusang nagtungo sa himpilan ng pulisya ang kanilang kliyente.
January 29 nang makita ang bangkay ng batang biktima na nakabalot sa plastic sa isang calamansi farm sa Victoria, Tarlac. Samantalang January 24 naman nang makita ang bangkay ni Diane sa Pulilan, Bulacan na may tama ng bala sa ulo.
Huli silang nakita buhay noong January 16, at iniulat na nawawala noong January 19 ni John.
Base sa paunang imbestigasyon ng Southern Police District, may katatagpuin ang mag-inang Diane at Ysmael na car agent sa Quezon City para sa ibebentang sasakyan bago sila nawala.
Pinuntahan ng mga awtoridad ang bahay ng car agent na inaanak ni Diane sa QC at may nakitang mga bakas doon ng dugo.
Isa sa mga suspek ang nagsabing nakita niya ang pagpatay sa mag-ina sa bahay ng car agent noong gabi ng January 16. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

