Dalawang tao ang nasawi sa insidente ng pamamaril ng riding in tandem sa Novaliches, Quezon City. Ang isang biktima, estudyanteng sakay ng bisikleta na tinamaan ng ligaw na bala.

Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang 28-anyos na nakamotorsiklo na pinagbabaril ng riding in tandem suspects nitong Linggo ng gabi.

Nadamay naman at nasawi rin sa tama ng ligaw na bala sa hita ang 24-anyos na criminology student na sakay naman noon ng bisikleta.

Sa CCTV footage, makikita na hinahabol ng mga pulis ang tumatakas na mga suspek sa Quirino Highway sa Novaliches dakong 11 p.m.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, at pagtugis sa mga suspek. – FRJ GMA Integrated News