Nahuli-cam sa kalsada ng Sampaloc, Manila ang pamamaril ng isang tricycle driver sa isang dating kagawad na masuwerteng nakaligtas. Ayon sa pulisya, nagalit ang suspek sa biktima na sumita sa kaniyang pag-ihi sa kalye.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita sa CCTV footage na naglalakad sa kalye ang biktima sa Barangay 442, Zone 44 para pumasok sa trabaho nang biglang sumulpot ang suspek sa kanto na armado ng baril.

Itinutok niya at ipinutok ang baril sa biktima na nagawang makakubli bago tuluyang nakatakbo palayo sa suspek.

Ang suspek, tinangkang habulin ang biktima pero napatigil para pulutin sa kalsada ang ilang nahulog na bala.   

Ayon sa pulisya, tatlong beses nagpaputok ang suspek bago nag-jam o nagkaaberya ang baril.

Ilang oras matapos ang pamamaril, naaresto sa kaniyang bahay ang 39-anyos na suspek, at nakuha rin sa kaniya ang baril na walang lisensiya.

Bago ang pamamaril, una na raw napadaan ang suspek sa harap ng biktima. Sinita umano ng biktima ang suspek dahil umihi ito sa kalsada na ikinagalit ng suspek.

Umuwi ang suspek para kunin ang baril, at doon na nangyari ang pamamaril, ayon pa sa awtoridad.

Hindi nagpaunlak ng panayam ang suspek pero ayon sa pulisya, aminado ito na nagalit siya sa ginawang paninita sa kaniya ng biktima na dating kagawad.

Napag-alaman din ng pulisya na nahulihan na rin ng hindi lisensiyadong baril ang suspek noong 2025.

Attempted homicide at illegal possession of firearms ang kakaharapin na reklamo ng suspek. – FRJ GMA Integrated News