Inilahad ng Department of the Interior and Local Government na itinuturing na nitong “case closed” ang pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at kaniyang anak na si John Ysmael. Pero hindi pa rin lusot si Police Senior Master Sergeant John Mollenido.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na isa sa mga nakikitang motibo sa pagpatay sa mag-ina ang pera.

Pinag-interesan umano ng mag-asawang suspek ang perang pinagbentahan ng sasakyan ng inang biktima.

Matapos nito, hindi ibinigay ng mag-asawa kay Mollenido ang pera at humantong ito sa pamamaril sa kaniya.

Nadamay naman ang anak na si John Ysmael.

Ang mag-asawang suspek ay inaanak sa kasal nina Diane at mister na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido, na person of interest pa rin at nasa kustodiya na ng PNP.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaniya dahil sa agarang pagpapa-cremate niya sa mga labi.

Lumabas ding tatlong taon na silang hiwalay ni Diane.

Patuloy na hinahanap ng pulisya ang baril na ginamit sa pagpatay kay Diane, at susuriin din ang kaniyang cellphone. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News