Nawasak ang harapang bahagi ng isang AUV matapos bumangga sa mga barrier sa northbound lane ng EDSA-Kamuning sa Quezon City bago mag-alas singko ng umaga. 

Sa lakas ng impact, natumba ang tatlong concrete barrier habang nasira ang isang plastic barrier. 

Nabasag din ang windshield ng sasakyan.

Inabot ng mahigit tatlumpung minuto bago nailabas ang 34-anyos na lalaking TNVS driver. 

Tulong-tulong ang mga rescuer ng MMDA at QCDRRMO na maingat na isinakay sa spine board ang driver na iniinda ang kanyang balikat at likod. 

Isinugod siya sa ospital. 

Napag-alaman na pauwi na ang driver sa Project 8 galing sa pamamasada nang mangyari ang aksidente. 

Ayon sa mga rumespondeng MMDA traffic enforcer, base sa salaysay ng driver, nabulaga umano siya sa mga barrier pagbaba ng Kamuning flyover. 

Dahil sa aksidente, maagang tumukod ang traffic sa EDSA-Kamuning flyover northbound. Umabot ang tailed nito hanggang Cubao. Hindi rin nadaanan ang busway. 

Bago mag-ala sais ng umaga nang mahatak ang naaksidenteng sasakyan at muling madaanan ang busway.  —VAL GMA Integrated News