Kilala ang Ilocos Norte sa mga kakaibang mga putahe. Isa na rito ang mga bulilit na “kusimay” na mukhang crubs at nahuhuli sa dalampasigan. Pero ligtas naman kaya itong papakin? Alamin.
Sa nakaraang episode ng Dami Mong Alam, Kuya Kim!," sinabing nakukuha ang mga kusimay o sand crabs sa “swash zone” ng dalampasigan, o lugar kung saan humahampas ang alon.
Si Rosedane Mendoza, umaabot sa tatlong oras sa panghuhuli sa mga kusimay dahil nakatutulong ito para siya kumita.
Saad niya, mahalaga sa kanila ang kusimay na napagkukunan nila ng kabuhayan, at kumikita sila ng mula P350 hanggang P950 depende sa dami ng kanilang mahuhuli.
Mas marami umanong nahuhuling kusimay sa umaga o hapon kapag low tide.
Dahil nakabaon sa buhangin ang mga kusimay, may paraan sina Rose para malaman kung may kusimay sa lugar sa pamamagitan ng pagbuhos ng tubig.
Pero kailangan daw na mabilis ang pagkuha sa kusimay upang hindi ito bumaon pa lalo sa buhangin.
Ang mga kusimay, may sampung paa o “decapod” na kagrupo ng mga alimango, hipon, at lobster. Pambira rin ang taglay nitong buntot.
Ngunit hindi gaya ng mga alimango na patagilid kung maglakad, ang mga kusimay ay kaya raw umatras para bumaon sa buhangin at lumangoy nang paatras din.
Alamin kung papaano niluluto ang kusimay, at ligtas kaya itong kainin kahit na mayaman sila sa protina? Panoorin ang video. – FRJ GMA News
