Sa kulungan ang bagsak ng isang 26-anyos na lalaki matapos niyang kikilan umano ang kaniyang dating nobya kapalit ng hindi pagpapakalat ng maseselang video at litrato sa Novaliches, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang suspek na pumapalag pa at sinusubukang tumakas habang inaaresto sa entrapment operation sa Barangay San Bartolome hanggang sa pinadapa na siya at pinosasan.
“Ang usapan kasi nila dapat magkikita sila sa isang mall, sa loob ng isang fast food chain. Ngunit hindi dumating 'yung lalaki. May message siya na sa labas na lang daw sila magkikita. At 'yun na nga, buti na lang nakahanda 'yung mga operatiba natin, nakapwesto na rin sa labas. Namataan din agad 'yung suspek,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Michael John Villanueva, commander ng Novaliches Police Station.
Batay sa pulisya, unang dumulog ang 25-anyos na biktima noong Pebrero 2. Ayon sa kaniya, dalawang beses na siyang nakapagbigay ng pera sa suspek na aabot sa P20,000.
Ngunit ang lalaki, hindi pa umano nakuntento, patuloy na nanakot, at nanghingi ng karagdagang P20,000. Kaya ikinasa na ang operasyon noong Pebrero 9.
“Ilang beses na raw ginawa sa kaniya. Parang nakakadalawang beses na sa kaniya. At ito ay parang pangatlong beses na hiningian siya. Kaya 'yun nga, napagpasyahan niya na ipahuli na itong ex-boyfriend niya,” sabi ni Villanueva.
Nakuha mula sa lalaki ang perang inabot ng biktima at ang ginamit niyang motor.
Lumabas sa imbestigasyon na naghiwalay ang suspek at biktima noong Nobyembre, matapos ang tatlong buwan nilang relasyon.
Nakabilanggo sa Novaliches Police Station ang suspek na itinanggi ang akussyon sa kaniya.
“Bluff lang po ‘yun. Wala po ako talagang record. Sabi niya po kasi tutulungan niya po ako,” sabi ng suspek.
Sinampahan na siya ng mga reklamong robbery extortion, resistance and disobedience to a person in authority at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
