Nagtamo ng mga sugat ang isang 35-anyos na tricycle driver matapos siyang holdapin at saksakin ng apat na lalaki sa Barangay San Isidro, Antipolo City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ang paglalakad ng isang lalaki madaling araw nitong Martes.

Pagliko ng lalaki sa eskinita, nilapitan siya ng apat na lalaking tila nakatambay. Isa sa mga lalaki ang umalis at bumalik kalaunan.

Hindi gaanong napanood sa CCTV pero doon na hinoldap at sinaksak ng mga lalaki ang tricycle driver.

“Ayon doon sa biktima, noong harangin siya at pinalibutan, dinala siya sa madilim na parte ng lugar at kinapkapan at kinuha ang mga mahalagang bagay. Noong hindi niya ibigay, nagtangka siyang lumaban, sinaktan siya ng mga suspek. At ayon sa kaniya, inundayan pa siya ng saksak na ginawa niya ay sinalo niya ng kamay 'yung kutsilyo para hindi tumama sa katawan,” sabi ni Marvin Corpuz, chief tanod ng Barangay San Isidro, Antipolo City.

Nahiwa sa kanang kamay ang biktima, na isinugod sa ospital, ayon sa barangay.

Nakuha sa biktima ang kaniyang wallet at cellphone, pero nabawi kalaunan nang mahuli ng mga barangay tanod ang dalawa sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang mga ginamit nilang patalim.


Sinabi ng barangay na ikatlong suspek ang lalaking nakatakas at kumuha ng cellphone ng biktima.

Hindi naman itinuloy ng biktima ang reklamo sa ikaapat na suspek na nakita sa CCTV na umalis at bumalik para tulungan ang biktima.

Tumangging magsalita sa camera ang mga salarin, na umaming kinorner nila ang biktima.

Lasing umano sila noon pero itinanggi nila ang pananaksak.

Batay sa tala ng pulisya, dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa mga kasong alarm and scandal, robbery at theft.

“Itong mga suspek kasi talagang kilala namin eh. 'Yung dalawa rito, isa kalalaya lang. 'Yung isa mga limang araw pa lang nakakalaya. ‘Yung isa mga tatlo linggo. 'Yung isang nanaksak naman, nangulungan na rin ito,” sabi ni Corpuz. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News