Isang lalaki ang nasawi na unang inireklamo ng kaniyang misis ng pananakit sa Santa Ana, Maynila. Ang lalaki, nabaril ng rumespondeng pulis na pinalo niya ng martilyo at sinaksak sa tagiliran.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Miyerkoles, maririnig ang tatlong putok ng baril sa cellphone video ng isang residente sa loob na isang village sa Barangay 898 sa Punta, bago mag-11 p.m. nitong Martes.
Ang nagpaputok ng baril, isang police corporal at habang 41-anyos na motorcycle taxi rider naman ang kaniyang nabaril.
Ayon sa opisyal ng barangay, kaagad silang nagtungo sa lugar na pinagmulan ng putok ng baril nang marinig nila ito sa loob ng village.
“Nakarinig lang po kami ng putok, tatlong beses po. Tumakbo po kami rito sa pinangyarihan. Nakita po namin nakabulagta na 'yung lalaki,” sabi ni Ronnie Reyes, ex-o ng Barangay 898.
Dinala sa ospital ang motorcycle taxi rider pero hindi na umabot nang buhay matapos magtamo ng mga tama ng bala sa dibdib.
Sinabi ng pulisya na rumesponde lang ang pulis sa tawag ng 911 dahil sa reklamo ng 40-anyos na babae sa kaniyang asawa dahil sa ilang beses nang pananakit nito.
“Dinala nila sa barangay para mag-ayos. Hinihiling ng ating complainant na magkaroon siya ng temporary protection order ng barangay at ibibigay ito sana ngayong umaga,” sabi ni Police Major Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District.
Dahil sa takot ng misis, inihatid siya ng mga pulis sa bahay nito sa pag-aakalang hindi na siya susundan ng kaniyang asawa.
Pero laking gulat ng babae nang makasalubong niya sa ikatlong palapag ang kaniyang asawa at inatake siya. Sa kabutihang palad, nakatakbo umano ang asawang babae papasok sa kanilang unit.
Ayon sa MPD, nakaalis na ang mga pulis nang sandaling iyon para bumalik sa kanilang post. Ngunit ang biktimang pulis, saktong palabas pa lang ng gate.
Doon sinabi ng guwardiya ng village na pumasok sa loob ang asawa ng babae kaya bumalik ang pulis, at naabutan niya ang lalaki na inaabangan na siya.
Habang pababa ng motorsiklo ang pulis, inatake na umano ito ng lalaki.
“Pinukpok siya sa ulo ng martilyo at sinaksak siya. So nakita natin bumagsak ang pulis natin pero tuloy-tuloy pa rin siyang inaatake nitong ating suspek. At dahil sa pangyayaring iyon, sabi nga wala nang pagkakataon pa na doon na 'yung tinatawag nating imminent danger sa part ng pulis natin. So wala na siyang chance kung hindi ipagtanggol 'yung sarili niya,” sabi ni Ines.
Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang pulis at asawang babae ng suspek.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang kanilang pahayag.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
