Sugatan ang isang E-trike driver at isa pang rider matapos salpukin ang kaniyang sasakyan ng isang nag-counterflow na kotse sa Santa Ana sa Maynila.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita sa video footage ang E-trike na dumadaan sa FY Manalo Street pasado 5 a.m. nitong Miyerkoles.

Hindi gaanong naaninag sa camera, pero ilang saglit lang, isang kotse ang nagka-counterflow at sinalpok na ang E-trike.

Dahil dito, bumulagta ang babaeng driver ng E-trike at dinala sa ospital.

Sugatan din ang isang motorcycle rider na nasa likuran ng E-trike.

Posibleng maharap sa patong-patong na reklamo ang driver ng kotse. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News