Nakaladkad ng ilang metro ang dalawang babae na magkaangkas sa motorsiklo matapos silang mabangga ng truck sa Sgt. Rivera Street corner Sto. Domingo Avenue sa Quezon City pasado alas-onse kagabi.

Ayon sa mga rumespondeng rescuer, mahigit sampung metro nakaladkad ang babaeng rider habang nasa limang metro naman ang babaeng angkas. 

Napuruhan ang kaliwang binti ng rider na agad isinugod sa ospital.

"Naabutan lang namin doon nakahiga na siya tapos kaagad namin ni-rescue. Inilagay namin sa stretcher, dinala namin agad sa ospital," ani Edwin Terencio, ang isa sa mga rescuer ng Barangay Manresa. 

Binigyan din ng paunang lunas ang angkas na dinala sa ospital kalaunan. 

Nagtamo siya ng mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan. 

Sa kuha ng CCTV, kita na nakahinto ang mga sasakyan nang dumating ang garbage truck. 

Paghinto ng truck, may sumulpot namang motorsiklo sa bandang gilid nito. 

Nang mag-go na ang traffic light, biglang nabangga ng truck ang motorsiklo at nakaladkad ito ng ilang metro. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa trabaho ang magkaangkas at pauwi na sa Bagong Silang, Caloocan nang mangyari ang insidente. 

Puno naman ng basura ang truck na galing sa Caloocan at itatapon sa San Mateo, Rizal. 

Ayon sa driver ng garbage truck, hindi niya napansin ang motorsiklo. 

Binusinahan lang daw siya ng sasakyang nasa likod kaya siya napahinto.

"Stop po kami nu'ng time na 'yon, may sinusundan kami trailer tapos nu'ng go 'yung motor hindi ko napansin na nasa kanan nu'ng pag-go ho namin lumipat pala sa harap ko. Hindi ko napansin na andoon na sila sa ilalim," sabi ng truck driver. 

Mananatili sa kustodiya ng QCPD Traffic Sector 1 ang driver habang hinihintay ang desisyon ng magkaangkas sa motorsiklo kung magsasampa sila ng reklamo. — VDV GMA Integrated News