Inirekomendang palitan si Bureau of Fire Protection (BFP) chief Fire Director Jesus Fernandez at iba pang opisyal, at sasampahan sila ng reklamo kaugnay ng umano’y bid-rigging at katiwalian, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes.

Sa isang press conference, sinabi ni Remulla na isinasagawa na ang proseso ng pagpapalit kay Fernandez bilang pinuno ng BFP.

"I will be filing charges against the chief of the BFP, si Jesus Fernandez, also to his deputies, also to the Bids and Awards Committee," ayon kay Remulla.

Patuloy ng kalihim, "I will recommend for his replacement. Si [President Ferdinand Marcos Jr.] ang siyang appointing authority, hindi ako. Yes, nahiling ko na."

Humingi ang GMA News Online ng reaksyon mula sa BFP tungkol sa usapin, ngunit wala pa silang inilalabas na opisyal na pahayag sa oras ng paglalathala nito.

Ang BFP ay isang ahensya sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na pinamumunuan ni Remulla.

Idinagdag ng kalihim na tinatayang 1,000 tauhan ng BFP sa buong bansa, kabilang ang nasa 40 kasalukuyan at dating opisyal, ang mahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa bid-rigging at katiwalian sa pagbili ng mga fire extinguisher at mga trak ng bumbero.

"[The fire extinguisher scheme] is a P15-billion-a-year racket ng BFP. Kawawa naman ang mga negosyante natin. Kinukuha ito sa bulsa ng mga negosyante. Kaya ito, kailangan matigil na," dagdag ni Remulla.

Ayon pa kay Remulla, inalok umano siya ng suhol na nagkakahalaga ng P1.5 milyon kada trak ng bumbero.

"Ang in-offer sa akin was P1.5 million per truck. Ang binibili niyan is parang 100 plus to 200 trucks a year. So that's P300 million easy for 2025 kung tinanggap ko 'yun," sabi ni Remulla.

"May birthday party sa Cavite, pumunta yung Fire Chief natin. Naiwan 'yung assistant niya. Kinausap 'yung kanang kamay ko tapos doon ginawa 'yung suhol. 'Paki sabi kay Sec. may P1.5 million siya dito,'" ayon kay Remulla.

Mayroon umanong tatlong kandidato na tinitingnan si Remulla na ipapalit kay Fernandez bilang hepe ng BFP.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News