Nakalaya na umano ang driver ng kotseng nakasagasa sa 23-anyos na estudyanteng nahulog at nasawi sa EDSA-Congressional Avenue sa Quezon City, malapit sa istasyon ng LRT-1, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

Sa pahayag ng pulisya, sinabing pinakalawan na nila mula sa kanilang kustodiya ang driver nitong Huwebes ng hapon makaraang gumawa ng notarized letter ang ama ng estudyante na nagsasaad na hindi na nito kakasuhan ang driver.

Idinagdag pa ng QCPD, na batay sa ginawa nilang imbestigasyon at pagsusuri sa mga CCTV footage, walang clear signs of negligence o kapabayaan sa bahagi ng driver kaugnay sa nangyaring insidente.

Idinagdag pa ng pulisya na nakipagtulungan sa kanila ang driver nang isinailalim ito sa kanilang kustodiya bilang bahagi imbestigasyon, at pagkuha ng mga kailangang dokumentasyon patungkol sa pagsunod sa legal na proseso.

“The QCPD extends its sincere condolences to the bereaved family and assures the public of its commitment to conduct a fair, impartial, and transparent investigation,” saad sa pahayag ng pulisya.

Nitong Miyerkoles, nasawi ang 23-anyos na mag-aaral nang mahulog siya mula sa LRT-1 station sa EDSA-Congressional Avenue area, at bumagsak sa kalsada, at nataon naman na dumating ang driver na hindi kaagad nagawang i-preno ang sasakyan kaya nahagip pa niya ang biktima. — Mariel Celine Serquiña GMA Integrated News