Inilahad ng gunman na sangkot sa pamamaril sa isang basketball court sa Marcelo Green sa Parañaque City na matagal na siyang naiinis sa ingay at pang-aasar umano ng ilan sa mga biktima noong kaniyang pananatili sa residential condominium.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naaresto ang suspek Biyernes ng gabi sa isang condominium unit sa Barangay Moonwalk sa ikinasang hot pursuit operation ng National Capital Region Police Office.
Sinabi ng NCRPO at ng Southern Police District na ang asawa ng suspek ang may-ari ng unit kung saan siya nadakip.
Sinabi ng suspek na matagal na siyang naiinis sa ingay ng isa sa mga biktima na nakatira sa itaas ng kaniyang unit.
Maraming beses na umanong nagreklamo ang suspek ngunit hindi tumigil ang biktima.
“Nag-iingay ho, tapos nag-iinuman sila roon eh. Nagtatawanan tapos kung anu-ano ang sinasabi,” sabi ng suspek.
Nang tanungin kung paano nalaman ng suspek na inaasar siya, sabi niya, “Kasi po sinasabi nila sa akin na… ‘Yung company namin ang pumatay sa nanay mo.’”
Ayon sa pulisya, unang bumaba ang gunman mula sa kaniyang unit patungo sa basketball court.
Pagkatapos ay binaril ng suspek ang isang 52-taong-gulang na biktima nang malapitan, na kaniyang target at nanonood ng basketball noong panahong iyon.
Makikita sa CCTV na pumasok ang suspek sa basketball court at walang habas na binaril ang ibang mga tao.
“Kasi po nasa isip ko noon baka pagbabarilin ka ‘ko, para mag-cover ako sa loob ng basketball court para ‘yung mga taga-roon kung barilin ako, at least meron akong depensa,” sabi niya.
Nagpulasan ang mga tao, habang bumagsak ang isa pang biktima, na namatay kalaunan.
“Sa labas ng court hinahabol kami, doon kami tinamaan na po. Si RJ, po 'yung una pong matamaan. Noong time na ‘yun, hindi ko po siya ininda, hindi siya masakit or anything po. Mas iniisip ko lang po na tumakbo para sa buhay namin,” sabi ni “Kevin,” na tinamaan sa siko.
Samantala, ang 26-anyos na si “Jake,” isa sa mga naglalaro sa court nang pumasok ang gunman, agad siyang humingi ng tulong sa mga guwardiya matapos makita ang ilang tao na bumagsak.
Mabilis ding sumugod ang isang dayuhan upang tulungan ang mga biktima.
Sinabi ni alyas Jake na pangunahing target ng suspek ang biktimang si "Edwin," kinagagalitan din ng suspek.
Mabilis ding nag-iinit umano ang ulo ng 59-taong-gulang na suspek sa mga maliliit na bagay.
“Since last year pa, ‘yung lalaki, katok siya nang katok sa victim. May mga naririnig ang suspek na parang may maiingay, may mga nagpupukpok. Ilang beses nang nangyari ‘yon,” ani alyas Jake.
Matapos ang pamamaril, lumabas umano ng condominium ang suspek upang tumakas. Nakita rin siya sa iba pang CCTV footage na may dalang payong at nakasuot ng maskara.
Nakatakdang imbestigahan ng pulisya ang responsibilidad ng condominium management at ng kanilang mga security guard.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makipag-ugnayan sa condominium management na bumisita sa burol ng isa sa mga biktima, ngunit tumanggi silang magbigay ng pahayag.
“Management is fully cooperating with the police and remains committed to supporting the ongoing investigation,” sabi ng Azure Property Management sa isang naunang pahayag.
Dalawang 9mm na baril, apat na magasin, at mga bala ang nakumpiska mula sa suspek.
Kabilang sa imbestigasyon kung bakit nakakuha ng lisensiya para sa isa pang baril ang suspek kahit na may kaso ng homicide noong 2012.
Ayon sa NCRPO, Marso 2024, sinubukan ng Taguig City Police na magsilbi ng sentensya laban sa suspek matapos siyang hatulan ng korte para sa kasong homicide, ngunit nabigo silang arestuhin siya.
Na-inquest ang suspek nitong Sabado para sa dalawang bilang ng murder at multiple frustrated murder.
“Nagsisisi at hindi ko ginusto iyon. Na-provoke lang ako dahil sobrang nakakapikon talaga ‘yung ginagawa nila,” sabi ng suspek. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
