Sugatan ang isang lalaki matapos siyang ilang beses na saksakin ng isa pang lalaki sa Ramat Gan, Israel.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa video ang paglapit ng suspek na naka-hoodie sa nakatayo at nakatalikod na biktima.

Ilang saglit pa, may hinugot ang suspek sa kaniyang bulsa at isinaksak niya ito nang ilang beses sa walang kamalay-malay na biktima.

Bagaman sugatan, nakalaban pa ang biktima hanggang sa tumakas ang suspek.

Sinabi ng Israeli Ambulance Service na nagtamo ng sugat ang biktima, na dinala sa ospital.

Naaresto na ng pulisya ang suspek, at inaalam pa ang motibo niya sa ginawang krimen.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News