Binaril at pinatay ang isang pulis na tatakbong presidente ng homeowners’ association sa kanilang subdivision sa Guiguinto, Bulacan.
Sa ulat ng GTV News State of the Nation nitong Huwebes, makikita ang biktima na si Police Master Sergeant Jose Uring, na naglalakad habang isinasagawa ang caucus para sa paghahanda sa eleksyon nang barilin siya sa likod nang malapitan ng salarin noong Linggo ng gabi.
Bago tumakas ang salarin, dalawang beses pa umano itong nagpaputok ng baril at may isang babae ang nasugatan matapos tamaan ng bala.
Nasawi ang pulis habang nagpapagaling naman mula sa tinamong tama ng bala ang babae.
Ayon sa pulisya, isa sa mga anggulong tinitingnan ang pagiging opisyal ni Uring sa subdibisyon.
Nadakip naman kinalaunan ang dalawang suspek, kasama ang isang dating pulis na siya umanong bumaril sa biktima.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News
