Dapat maghanda at maghigpit pa ng sinturon ang mga motorista dahil sa inaasahan na panibagong malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa isang oil industry source, batay sa resulta ng pandaigdigang kalakalan ng langis sa nakalipas na apat na araw, maaaring tumaas ang presyo ng diesel sa susunod na linggo ng P19 hanggang P22 kada litro.
Samantala, nasa P12 hanggang P16 per liter naman ang maaaring itaas sa presyo ng gasolina.
Sinabi ng source sa oil industry na maaaring mapunta sa mas mataas na bahagi ang presyo ng mga produktong petrolyo dahil inaasahang magiging pataas din ang resulta ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore (MOPS) ngayong Biyernes.
Ngayong linggo, nagkasundo ang mga fuel retailer na hatiin o paunti-unti ang naging malakihang pagtaas sa presyo sa mga produktong petrolyo na dulot ng pagsasara ng Strait of Hormuz sanhi ng labanan ng US-Israel laban sa Iran.
Ngayong linggo, ayon sa datos ng Department of Energy, nagtaas ang mga retailer ng kanilang produkto ng P7.00 hanggang P13.00 per liter sa gasolina, P17.50 hanggang P24.25 sa diesel, at P32.00 hanggang P38.50 sa kerosene. — Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News

