Sugatan ang isang 34-anyos na security guard matapos siyang barilin ng dalawang lalaki sa binabantayan niyang grocery store sa Barangay Greater Fairview, Quezon City. Ang kaniyang baril, tinangay din ng mga salarin.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV camera na nakaupo ang biktimang security guard sa labas ng grocery store sa Regalado Avenue bandang 2 a.m. ng Huwebes.
Ilang saglit pa, lumapit sa kaniya ang dalawang lalaki na nakasuot ng helmet at binaril ang biktima na tinamaan sa tiyan.
Nang matumba ang sekyu, kinuha ng mga salarin ang kaniyang service firearm at tumakas. Nagawa naman ng biktima na makatayo at makapasok sa grocery store habang humihingi ng tulong.
Dinala sa ospital ang biktima, na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa tiyan at patuloy na nagpapagaling matapos sumailalim sa operasyon.
Nagsagawa naman ng manhunt operation ang Fairview Police Station para madakip ang mga salarin.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, ipinarada ng mga salarin ang kanilang motorsiklo sa ‘di kalayuan at nilapitan ang security guard.
“Nakaupo ako sa loob, may narinig akong malakas na putok. Noong sinilip ko, si guard nakaupo na sa sahig, nabaril na pala ng dalawang lalaki. Tapos, tumawag ako agad sa pulis. Nu’ng tumawag ako, si chief, pumasok naman siya sa loob tapos duguan na siya. Tapos, suka siya nang suka ng dugo. Mabuti naman may tumulong sa amin na tricycle driver at dinala namin sa malapit na ospital,” sabi ng cashier ng grocery store.
“Siguro, sinusubukan nilang disarmahan si chief. Tapos si chief, parang sinubukang manlaban, naunahan si chief kasi may nakatutok na sa kaniyang baril,” sabi pa ng lalaking cashier.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa pamamaril.
Sa isang text message, sinabi ni QCPD Director Police Brigadier General Randy Glenn Silvio na meron na silang person of interest sa insidente.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
