Nahuli-cam ang pagsalpok ng isang nag-overtake na motorsiklo sa isang Grade 12 student na tumatawid sa pedestrian lane sa Cotabato City nitong Lunes, March 23, 2026.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, makikita na nagmenor o nagbagal na ang isang SUV para pagbigyan ang tumatawid na estudyante at isa pang lalaki.

Nasa gitna na ng kalsada ang dalawa nang biglang sumulpot ang motorsiklo at nasalpok nito ang estudyante na tumilapon at tumama ang likod sa kalsada.

Kaagad din namang nakatayo ang estudyante at sandaling nakaharap ang rider. Pero ilang saglit lang, umalis na ang rider at iniwan ang estudyante na hindi sinamahan magpatingin sa ospital.

Nitong Martes, sumuko umano sa mga awtoridad ang rider at nais makipag-usap sa biktima at pamilya nito.

Muling nagpaalala si Cotabato City Police Office Spokesperson, Lt. Rochelle Evangelista, sa mga motorista na mag-ingat at magdahan-dahan sa pagmamaneho lalo na kapag papalapit sa pedestrian lanes.

Hinikayat din niya ang mga biktima ng katulad na insidente na ipagbigay-alam ito sa pulisya para maimbestigahan at maaksyunan.—FRJ GMA Integrated News