Ginagawang food trip ng ilang taga-Pola, Oriental Mindoro ang tila malaking bulate na mga “Ugaong,” na makukuha sa mga bato sa tubig-tabang gamit ang isang espesyal na “tunog.” Pero ligtas kayang kainin ang mga ito? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” mapanonood sa isang vlog ang isang lalaki ang iniahon ang isang tipak ng bato at tumambad ang mga naglalakihang Ugaong.
Paliwanag ni Brixtan Gusto, residente ng bayan ng Pola, isang kakaibang pagkain na matatagpuan sa kanilang komunidad ang Ugaong.
“Nalaman ko ang pagkain ng Ugaong dito sa aming lugar. Noong araw, ibinibenta ‘yan ng mga taga-rito. Ang lasa niya ay parang kabibe na shell. Nakukuha rin dito sa ilog namin, ganoon ang lasa niya at may hawig din sa talaba,” sabi ni Brixtan.
Ibinida rin ni Brixtan ang exotic na Ugaong sa kaniyang vlog. Ayon sa kaniya, maraming followers at viewers ang nandidiri sa hitsura ng Ugaong at tila nakakatakot umano itong kainin.
Upang makuha ang Ugaong, gagawa ng tunog na “palatak” ang manghuhuli para mapalabas ang kakaibang lamang-tubig-dagat mula sa shell nito.
Paliwanag ni Kuya Kim, ang Ugaong ay isang klase ng shipworm, na isang worm-like mollusk na kasama sa pamilya ng Teredinidae, at kilala sa mahaba at tubular nitong katawan na tila bulate.
Magkaiba ang Ugaong sa Tamilok, na isa ring shipworm.
Madalas nakukuha sa fresh water at nakabaon sa mga bato ang Ugaong, habang ang Tamilok naman, madalas matagpuan sa mga kahoy sa coastal o mangrove areas.
Pinag-aaralan din ng team ng eksperto mula sa UP Marine Science Institute ang Ugaong.
“Kakaiba siyang klase ng shipworm at iba rin ‘yung kaniyang tawag. Sa English, wala siyang common name kasi dito lang siya sa Pilipinas mahahanap. Gumagawa siya ng parang tube, mahabang tube, doon siya nakatira sa loob na gawa rin naman sa shell,” sabi ni Dr. Maria Celia Malay, marine biologist sa UP Marine Science Institute.
“Sa pagkain po ng Ugaong, wala naman po akong naranasan na sumama ang aking pakiramdam,” sabi ni Brixton.
Ngunit ligtas nga kayang kainin ang shipworm na Ugaong?
“Mabuti pa, lutuin talaga. Pakinggan natin ‘yung traditional knowledge. ‘Pag sabihin nila, dapat ganito, huwag ganiyan ang kain, sundin naman natin,” sabi ni Dr. Malay.
“Bale si Ugaong po ay mayaman sa bitamina B o sa B-complex. Ito po ay nakakatulong upang tayo po ay magkaroon ng malinaw na mata, malusog na mga nerves at maganda pong pag-iisip. Meron din po itong mga good cholesterol katulad po ng omega-3 at omega-6. Nakakatulong po ito upang maging malusog ang ating puso. Ang importante lang po talaga ay ligtas ‘yung pagkukuha nila,” sabi ni Lois Anne Manansala, nutritionist - dietician. – FRJ GMA Integrated News
