Nahuli-cam sa isang gas station sa EDSA sa Quezon City ang ginawang pa-“full tank and run” ng isang driver ng MPV (Multi-Purpose Vehicle). Ang nakargang diesel sa sasakyan na mahigit P5,000, kakaltasin sa sahod ng pump attendant na tinakbuhan niya.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong Linggo ng madaling araw. Makikita sa CCTV camera na hinabol pa ng pump attendant ang motorista pero hindi tumigil.

Dahil sa pagtakas ng motorista, ang pump attendant na may sanggol na anak ang magbabayad sa halaga ng diesel.

“Pumirma po ako ng deduction letter. Sobrang hirap po, may anak po kasi ako nagdedede, naggagatas. Pati sobrang abala rin po sa istasyon namin,” ayon sa pump attendant.

Umaasa na lang ang pump attendant na kusang susuko ang motorista upang pagbayaran ang ginawa nito.

Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente. Nakikipagtulungan sila sa Land Transportation Office (LTO) upang matukoy ang may-ari ng sasakyan.

Malabo umano ang video para matukoy ang plaka ng sasakyan sa unahan, at may takip na tela ang plaka nito sa likod.

“Kausap po natin kanina yung district director ng QCPD. Kasalukuyan po nilang ino-operate. Nasa kanila naman po lahat ng detalye noong sasakyan ng sinasabing nagpagasolina at tumakbo,” ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño sa press briefing nitong Biyernes.

Sinabi ni Tuaño na maikokonsiderang estafa and ginawa ng driver ng MPV. —FRJ GMA Integrated News