Patay ang isang 48-anyos na lalaki matapos siyang walang habas na pagsasaksakin at pagbabarilin ng isang mag-ama sa Tondo, Maynila. Ang pinag-ugatan umano ng krimen, ang ibinentang pakete ng biktima na tawas sa halip na droga.
Mapanonood sa CCTV ng Barangay 105 ang pagtutulungan ng mga residente na isakay sa tricycle ang isang duguang lalaki patungong ospital nitong Lunes.
Sa kuha ng isa pang CCTV, makikita ang biktima na naglalaro sa computer shop nang biglang may dumating na dalawang lalaki.
Ilang saglit lang, pinaputukan na nila ang biktima, na nakatakbo pa ngunit nakorner at pinagsasaksak ng mga suspek.
Maririnig sa isa pang video na nagmamakaawa ang biktima ngunit ilang beses pa rin siyang sinaksak at tinangkang barilin ng dalawa, na nakilala ng pulisya bilang ang mag-amang sina alyas “Jeffrey” at anak nitong si alyas “Jefferson.”
Si alyas “Jeffrey,” kumuha pa ng bote at ipinalo ito sa ulo ng biktima.
Ang nakababatang suspek naman na si alyas “Jefferson,” ilang beses pang sinaksak ang biktima sa kaniyang leeg bago sila tumakas.
“Tumawag 'yung inaanak ko, 'yung may-ari ng computer shop… Tumawag ako ng tanod namin para kumontak du’n sa mga pulis,” sabi ni Kagawad Marlene Tumbokon ng Barangay 105.
Isinugod pa sa ospital ang biktima pero hindi na siya umabot nang buhay.
Sinabi ng barangay na isang araw bago ang insidente, una nang nagpa-blotter ang mga suspek laban sa biktima matapos umano nitong habulin ng dos por dos si alyas “Jefferson.”
Wala pang impormasyon ang barangay sa dahilan ng biktima kung bakit ito nanghabol ng dos por dos.
Sinabi ng mga kaanak ng biktima na posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang dahilan ng kaniyang pagkamatay matapos umanong madamay ang pangalan niya sa isang transaksiyon.
Sinabi ng pamangkin ng biktima na si alyas “Lea,” hindi niya tunay na pangalan, nagalit ang isa sa mga suspek nang matuklasang tawas pala ang laman ng ipinabili niyang droga sa halagang P1,000.
Isang alyas “Bunso” ang itinurong nagbenta.
“Nu’ng bago pa sila maghabulan, nu’ng umaga, bumibili siya ng kape, may lumapit daw sa kaniya na babae na nagrereklamo nga daw po tapos dine-deny naman ni tito na ‘Hindi ako ‘yun, baka ibang Bunso ‘yun,’” sabi ni alyas Lea.
Sinabi ng nakausap nilang doktor na nagtamo ang biktima ng nasa 13 saksak, fracture sa ulo at tama ng bala.
“Hindi makatarungan 'yung ginawa mo sa tito namin, sana makunsensya kayo, sumuko na lang kayo kung saan kayo nagtatago,” anang pamangkin ng biktima.
Patuloy ang pagsasagawa ng backtracking ng pulisya para mahuli ang mga suspek. —Jamil Santos/VBL GMA News
