Ikinasal na ang Unang Hirit host na si Anjo Pertierra at bokalista ng bandang Gracenote na si Eunice Jorge.

Sa episode ng GMA show na "Unang Hirit" nitong Lunes, ipinakita ang ilang eksena sa kasal, na makikita si Eunice na suot ang eleganteng lace white gown na may layered silhouette. Habang naka-white tuxedo naman ang groom na si Anjo.

Garden setting naman ang venue ng pinagdausan ng kasal.

"She walked. He cried. We all felt it," saad ng "Unang Hirit" sa caption naman ng post nito sa Facebook tungkol sa kasal. "Mabuhay ang bagong kasal!"

Ayon kay Anjo, hindi siya nakatulog dahil sa kakaisip sa kaniyang kasal.

“Hindi ako makatulog kakaisip, basta iba yung pakiramdam ng ikakasal,” sabi ng groom

May inihanda namang kanta si Eunice na ipaparinig niya sa unang pagkakataon sa kanilang kasal.

“Two years kong hinintay bago ko iparinig kasi gusto kong mapakinggan niya for the first time sa wedding day na talaga. Excited na kong madinig niya yung song, makita niya yung reaksyon niya,” sabi ni Eunice.

Unang nagkakilala sina Anjo at Eunice sa isang campus tour stop ng UH na guest si Eunice.

Naging engaged sina Anjo at Eunice noong Hulyo 2025, na kaarawan din ni Eunice. —FRJ GMA News