Hindi dumalo si Vice President Sara Duterte sa impeachment hearing ng House justice committee laban sa kaniya nitong Martes.

Nauna nang sinabi ng abogado niyang si Atty. Michael Poa sa isang panayam na hindi dadalo si Duterte o sinuman sa kaniyang mga kinatawan sa mga paglilitis ng House justice panel nitong Martes.

“I don’t think so,” sabi ni Poa.

“I think they already told the committee beforehand that they will not be attending,” paliwanag pa niya.

Dumating at tumestigo na si Ramil Madriaga, na nagpakilala bilang dating aide ni Duterte, sa House of Representatives. 

Inaakusahan ng dalawang reklamo ng impeachment ang Bise Presidente ng pagtataksil sa tiwala ng publiko, paglabag sa Konstitusyon, at iba pa, dahil sa mga sumusunod:

  • Maling paggamit ‘di umano ng P612.5 milyong confidential funds at paggamit ng mga ito bilang suhol
  • Pagbabanta ‘di umano na papatayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kaniyang pamilya.
  • Pag-iipon ‘di umano ng hindi maipaliwanag na kayamanan

Dumalo si Poa sa pagdinig bilang pagsunod sa subpoena na inisyu sa kaniya ng House justice panel dahil siya rin ang dating tagapagsalita ng Pangalawang Pangulo at Education Undersecretary noong panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang kalihim ng Edukasyon.

Noong Oktubre 2024, nagpatotoo si Poa sa harap ng pagsisiyasat ng House good government and public accountability panel tungkol sa pamamahagi ng P15 milyong confidential funds nito.

Kinumpirma ni Poa na hiniling niya sa noo'y DepEd Undersecretary at retiradong Major General Nolasco Mempin na humingi ng mga sertipikasyon mula sa mga yunit ng militar para suportahan ang paggastos ng OVP ng P15 milyong confidential funds para sa mga impormante noong 2023.

Samantala, itinanggi rin ng kampo ni Duterte nitong Martes ang mga paratang ni Madriaga, at tinawag na "kathang-isip lamang" ang mga pahayag nito at kulang sa ebidensiya.

Sa isang pahayag, sinabi ng legal counsel ni Duterte na si Salvador Paolo Panelo Jr. na ang mga pahayag ni Madriaga tungkol sa isang sikretong term-sharing agreement, planong pagpapatalsik, at mga plano ng pagpatay kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ay “not even remotely believable.”

“His allegations of a secret term-sharing agreement, planned ouster, and assassination plots against PBBM are pure fiction, and not even remotely believable,” ani Panelo.

“If the need arises, we will be happy to refute each delusional claim point by point with evidence — something that has eluded all his allegations, past and present,” dagdag pa niya.

May plano 'di umano ang dating pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin si Marcos sa kaniyang pwesto sa 2025 para ibigay ang posisyon sa kaniyang anak na si Sara Duterte, ayon sa sulat-kamay na liham ni Madriaga.

Nakuha ng GMA News ang liham mula sa isang mapagkakatiwalaang source mula sa kampo ni Madriaga, na may lagda niya at may petsang Abril 11, 2026, ayon sa ulat ni Tina Panganiban Perez sa 24 Oras nitong Lunes.

Dumating si Madriaga sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City bago mag-7 a.m.

“This is precisely what I meant when I said that the more Ramil Madriaga speaks, the better it becomes for Vice President Sara Duterte’s defense,”  sabi ni Panelo.

“I have repeatedly said that making Madriaga testify would just reveal his lack of credibility and expose his lies. He has now succeeded in doing exactly that even before uttering a single word under oath in the House Justice Committee,” dagdag niya. —VBL GMA News