Isang grupo ng mga guro mula sa pampublikong paaralan ang humingi ng tulong, habang marami sa kanila ang nahihirapan sa buhay dahil sa kanilang pagkakalubog sa utang. Ayon sa ilang guro, kinukuha umano ng mga lending company ang buo nilang sahod at maging ang mga benepisyo.

Sa isang liham na ipinadala sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inilahad ng grupo ang kanilang desperadong panawagan, na ang iba ay nakaranas na umano ng matinding depresyon.

Personal na nakapanayam ni Jessica ang ilan sa mga guro. Ayon sa kanila, wala nang natitira sa kanilang sahod matapos na kaltasin ang pambayad o hulog sa nautang nila.

"Right now, they take everything. Our salary and all our benefits are fully deducted. We go to the ATM and there is zero balance. How can we eat? How can we survive?" saad sa sulat ng grupo na may 50 nang miyembro.

Ang grupo, nabuo sa pamamagitan ng online na pag-uusap ng mga guro sa iba’t ibang panig ng bansa na may magkakatulad na karanasan. Ang ilan sa kanila, humingi na ng tulong sa mga tanggapan ng gobyerno at plano nilang dalhin ang kanilang hinaing sa Malacañang.

Si Mayse, isa sa mga guro na mula sa Dasmariñas, Cavite, nagsabing nagsimula ang kaniyang pag-utang noong 2005 sa halagang humigit-kumulang P40,000. Sa paglipas ng panahon, dahil sa paulit-ulit na pangungutang at mataas na interes, lalo itong lumaki.

"Lumalaki nang lumalaki ang computation sa kanila gawa nga po ng malaki po ang kanilang tubo," saad niya.

Noong 2018, umutang siya ng P195,000 na may 3.5% na buwanang interes. Gayunpaman, P18,000 na lang ang kaniyang natanggap matapos na kaltasin din ang pambayad sa mga nauna niyang nautang.

Sa kabila ng kaniyang mga naibayad, patuloy na lumaki ang kaniyang balanse dahil sa mga penalty at interes.

Pagsapit ng 2022, matapos mamatay ang kaniyang asawa, sinabi ni Mayse na lalo siyang nahirapan bilang isang single mother sa lima niyang anak.

"Pero kung tutuusin, bayad na po ako eh. Tapos binalik po nila sa P418,000 kasama na po doon 'yung P42,000 cost of suit," saad niya, na tumutukoy sa kanyang kabuuang obligasyon kasama ang gastusing legal.

Ang guro na si Christina, umutang naman ng P130,000 noong 2024 nang magkasakit ang kaniyang asawa. Pero lumobo ang naturang halaga sa P350,000 dahil sa interes at penalties.

"Ngayon po, na-garnish po ang aking account. So wala po ako nakukuhang sahod kahit piso," saad niya.

Dagdag pa niya, pati ang kanilang mga bonus at benepisyo ay kasama sa mga kinakaltas.

"Pati po 'yung aming mga benefits, GSIS, 'pag-nag loan kami hindi namin makukuha 'yun, kasi naka-hold po sa Landbank. Pati 'yung mga clothing namin, mga midyear, pati 'yung 13th month, wala po talaga,"  dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Christina na nagsangla siya ng mga personal na gamit upang matustusan ang pang-araw-araw na gastusin, habang hinaharap niya ang mga problema sa kalusugan dulot ng stress.

Si Teacher Hilda na halos 30 taon na sa serbisyo, dumaan din sa katulad na karanasan. Ang kaniyang unang utang na P75,000, lumobo sa mahigit P200,000, at lalo pang nadagdagan dahil sa refinancing at mga kaltas.

"Ang sahod ko lang po ay P5,000. Kaya nag-deficit po nang nag-deficit," saad niya patungkol sa natitirang halaga matapos ang mga kaltas.

Samantala, sinabi ni Teacher Chona na naapektuhan din siya kahit bilang co-maker o guarantor ng ibang umutang. Ayon sa kaniya, na-garnish ang kaniyang account matapos ang utos ng korte kaugnay ng hindi nabayarang utang ng humiram.

"Simula noong November, until now, kahit po pamasahe 'pag pumapasok, naghahagilap po ako kung saan ako makakahiram," pahayag niya.

Ibinahagi rin ng mga guro ang kanilang pangamba tungkol sa paggamit ng ATM cards bilang kolateral at ang hindi lubos na pag-unawa sa mga dokumentong kanilang pinirmahan.

Ayon sa Teachers' Dignity Coalition, hindi na bago ang ganitong mga kaso. May ilan pang guro ang naharap sa mga reklamong administratibo sa Professional Regulation Commission (PRC), na nauwi sa suspensyon.

"'Yung iba po diyan ay sinuspend pa ng PRC dahil 'yung lending companies po, dinadala nila sa PRC 'yung case," anang kinatawan.

Ayon sa isang legal expert, bagama’t maaaring hindi ilegal ang pagsasangla ng ATM card, batay sa mga patakaran ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ipinagbabawal naman ito ng Department of Education (DepEd) bilang anyo ng kolateral.

Batay sa datos ng Alliance of Concerned Teachers, tinatayang nasa 75% o humigit-kumulang 800,000 guro sa pampublikong paaralan ang may utang, at may kabuuang obligasyon na umaabot sa ₱319 bilyon mula sa mga nagpapautang na gobyerno at pribado.

Sa hiwalay na panayam ni Jessica, sinabi ni DepEd Undersecretary for Finance Atty. Edson Byron Sy, na may Automatic Payroll Deduction System (APDS) ang ahensya na accredited sa ilang private lending institution pero nagtatakda ng limitasyon sa interes.

"Under the APDS, ina-accredit po natin ang mga private lending institution… 'yung interest nila, may cap din," saad na nasa 7.5% hanggang 9.6% ang rate limit.

May mga guro umano ang umutang sa mga hindi accredited lender, at walang direktang pangangasiwa ng DepEd.

"If it is not accredited, DepEd is not really a party between the teacher and the PLI," paliwanag ni Sy.

Dagdag pa niya, may mga patakaran na dapat na may hindi bababa sa P5,000 na net take-home pay ang mga guro, ngunit maaaring hindi ito nasusunod kapag hindi sa accredited lender ng DepEd nangutang ang guro.

Sinabi ni Sy na tinitingnan ng kagawaran ang mga posibleng solusyon tulad ng loan consolidation sa pamamagitan ng GSIS o mga akreditadong lender upang mabawasan ang interes at penalty.

Sa isang pahayag via email, sinabi ng Securities and Exchange Commission (SEC) na: "At the outset, it must be emphasized that the SEC does not regulate "teachers' loan programs" as a separate category. Rather, all loan products—regardless of borrower segment—are subject to uniform regulatory standards.

Kinakailangan din umano na magsumite ang mga lending company ng aprubadong Business Plan, at anumang mahalagang pagbabago—kabilang ang mga bagong loan product, mekanismo ng pagbabayad batay sa sahod, o pagtutok sa partikular na sektor tulad ng mga guro—ay dapat ihayag at aprubahan ng SEC bago ipatupad.

Patuloy nila, "In addition, under the FCPA IRR (SEC MC No. 05, Series of 2023), lending companies are required to observe fair, transparent, and responsible lending practices, and are accountable for any conduct that may be considered unfair, deceptive, or abusive."

Nakipag-ugnayan ang KMJS sa mga lending company na sangkot ngunit wala pang natatanggap na tugon nang ilabas ang naturang usapin.

Iginiit ng mga guro na hindi nila tinatakasan ang kanilang utang kundi humihiling lamang sila ng makatarungang kondisyon.

"Hindi po namin tinatakbuhan. Ang amin lang Ma'am, bigyan naman po nila kami kasi wala na nga po silang tinira sa amin," ayon sa isang guro.

Nanawagan din sila ng mas malawak na suporta, kabilang ang mas mataas na sahod at mas maayos na proteksyon, habang patuloy silang nagtatrabaho sa kabila ng kanilang problemang pinansyal.

"Pumapasok po kami nang wala kaming sahod," ayon kay Christina. — Carby Rose Basina GMA News