Kinumpiska ng mga awtoridad ang mahigit isang tonelada ng karne ng mga manok na walang wastong pagsusuri, at mga mishandled frozen meat sa isang palengke sa Novaliches, Quezon City. Ang ilang nagtitinda, inisyuhan ng notice of violation.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, makikitang mga nakalagay pa sa mga balde at plastic drum ang mga bagong katay na manok nang datnan ng mga tauhan ng National Meat Inspection Service, Quezon City Veterinary Department, at CIDG sa isang puwesto sa palengke bandang 2 a.m.

“Ang sabi nila, ang bawal 'yung galantina. Dukot naman ‘yan. Fully dressed na po. Diyan lang naman nilagay, sir kahit dukot na,” sabi ng isang nagtitinda ng manok.

Isang tricycle naman ang hinarang sa labas ng palengke, at natuklasan ang dalawang plastic na naglalaman ng galantina o mga bagong katay na manok na may lamang-loob pa.

Ayon sa bumili sa katayan, wala siyang alam na bawal ito. Nakatakda rin niyang ibenta ang mga manok sa kaniyang puwesto sa Caloocan.

Hindi rin nakalusot ang isang lalaki na tulak-tulak pa ang cart na nakalagay ang mga bagong katay na manok na may ulo at paa pa, o tinatawag na Valentino.

Isa pang truck ang sinita na may kargang mga buhay na manok na kakatayin pa lang sana.

Hindi awtorisado umano ang truck para pagsakyan ng mga buhay na manok.

Maliban sa mga manok, 10 mga stall din sa palengke ang nakumpiskahan ng mga mishandled frozen meat na nakatiwangwang lang imbes na nasa chiller.

Mahigit isang tonelada ng mga manok at mishandled frozen meat sa kabuuan ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Inisyuhan ang mga nagtitinda ng Notice of Violation at Confiscation Receipt.

“Ito po ating nahuli ngayon ay mga karne, particularly mga manok na hindi po dumaan sa masusing pagsusuri ng ating meat inspectors. Meron din po tayong nahuling frozen meat na mishandled,” sabi ni Dr. Roseller Manalo, team leader ng NMIS - NCR Enforcement.

Sinabi ng Quezon City Veterinary Department na lubhang peligroso kung makakakain ng ganitong uri ng karne ang mga mamimili.

“Mataas ang probability that they may have salmonella. 'Yung mga nakakakain po at hindi po maayos ang pagkaluto, puwede po siya magkaroon ng diarrhea, pagsusuka, sakit ng tiyan, and eventually po, it can cause death kung hindi na-address po 'yung dehydration, among others,” sabi ni Dr. Rey Del Napoles, head ng Quezon City Veterinary Department.

Ilang katayan din ang iisyuhan ng show cause order kung saan nagmula ang mga nakumpiskang manok.

“Ina-assure natin ang public na hindi tayo magpapabaya, patuloy po natin itong i-monitor at i-confiscate,” sabi pa ni Del Napoles.

Nakatakdang dalhin sa isang rendering facility ang mga nakumpiskang karne para sa maayos na pagtatapon. – Jamil Santos/FRJ GMA News