Nasawi ang isang driver matapos siyang barilin sa ulo sa loob ng kaniyang pampasaherong jeep sa Bacoor, Cavite.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nasa isang gasolinahan noon sa Barangay Molino 3 nitong Martes ang biktima nang barilin ng hindi pa nakikilalang gunman.

Namataan ng mga barangay tanod ang biktima sa driver's seat na may tama ng bala sa ulo.

“Duguan po sa loob ng jeep, ‘yun po kinuha po… Paiigtingin pa po namin ang aming pagbabantay sa aming nasasakupan,” sabi ni Jomar Leonida, tanod ng Barangay Molino.

Sinabi naman ng isang nagtitinda na nakarinig siya umano ng putok na una niyang inakala na sumabog na gulong.

“Akala ko gulong na sumabog, kaya parang putok,” anang tindera.

Sinabi ng mga barangay tanod na biyaheng Baclaran ang ruta ng jeepney na minamaneho ng biktima.

Sinabi ng Bacoor Police na positibong kinilala ng mga kaanak ng biktima ang bangkay at nakuha na rin sa punerarya.

Hindi muna humarap sa camera ang Bacoor Police habang nagsasagawa sila ng imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng gunman at kung may kasabwat siya, pati na rin ang motibo sa pamamaril. —Jamil Santos/VBL GMA News