Sa bisa ng arrest warrant, inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Jay Sonza nitong Huwebes ng gabi sa Project 8, Quezon City.

Ayon kay John Consulta ng GMA News, iniutos ng isang hukuman sa Pasay City ang pag-aresto kay Sonza kaugnay ng kasong unlawful publication dahil sa umano’y mga mapanirang post na may kinalaman sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na may kinalaman ang kaso sa umano’y pagpapakalat ni Sonza ng maling balita tungkol sa pangulo.

“Naaresto na po natin itong si Jay Sonza na na-isyuhan na po ng warrant ng RTC ng Pasay kaninang hapon,” ayon kay Matibag.

“Ito po ay kaugnay po sa kaso niya ng paglabag niya ng cyberlaw natin na may kinalaman po sa pagpapakalat ng maling balita tungkol sa atin pong Pangulo, paglalabas po ng iba’t ibang peke na balita,” dagdag ng opisyal.

Ayon sa opisyal, hindi maaaring magpiyansa si Sonza sa naturang kaso.

“Ito’y isang babala na rin po natin doon sa mga taong nagpapakalat ng balita, na kami po sa NBI ay hahabulin namin ito at ito nga pong kaso niyang ito ay no bail po ito at ito po ay ipoprocess at dadalhin natin sa korte na kung sinong nag issue ng kanya pong warrant of arrest,” sabi ni Matibag.

Matapos maaresto, sinabi ni Sonza na dadaan siya sa tamang proseso at mayroon nang kopya ng warrant of arrest ang NBI laban sa kaniya.

“I was ready to post my bail kanina, kaya lang wala pang warrant kanina eh, so I am surprised they have a warrant tonight,” saad niya sa GMA News.

“And it was supposed to be a bailable, nakalagay dito, non-bailable. You know the process,” dagdag niya at sinabing: “We go through the process naman eh.”

Sa isang pahayag sa kaniyang Facebook page, sinabi ng abogado ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino, na papunta na sila sa tanggapan ng NBI sa Pasay City upang matiyak na igagalang ang mga karapatan ni Sonza, lalo na’t isa na siyang senior citizen.

“Hindi namin palalagpasin ang anumang paglabag. Babantayan namin ang bawat hakbang. Aaksyon kami kung kinakailangan,” ani Tolentino.— FRJ GMA News