Tinamaan ng Tomahawk cruise missile ng United States Army ang itinakdang target area na nasa Laur, Nueva Ecija. Ang naturang missile, pinakawalan mula sa Tacloban City sa Leyte nitong madaling araw ng Martes na bahagi ng Balikatan Exercise, ayon sa tagapagsalita ng militar ng Pilipinas.
Ayon kay Colonel Dennis Hernandez, tagapagsalita ng Balikatan para sa Pilipinas, pinaputok ang land-attack missile bandang 12:12 a.m. at narating ang target nito dakong 1 a.m.
“If you look at the characteristic ng Tomahawk, it is a long-range capable missile that can prosecute sa very long range. Kaya yung execution niya is, we made sure na malayo siya,” pahayag niya sa media.
“Tacloban is suited for that place because kaya niya mag-travel eastern seaboard towards the target. So kasi ang requirement niya kailangan mahaba, long-range,” sabi pa ni Hernandez
Pinaputok ang Tomahawk missile mula sa US Typhon mid-range missile platform, dagdag ni Hernandez.
Ang Typhon system ay pinapatakbo ng Strategic Fires Battalion ng US Army at naideploy na sa iba’t ibang lugar sa Indo-Pacific region, kabilang ang Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Hernandez na ang aktibidad ay bahagi ng mas malawak na training scenario na konektado sa Joint Pacific Multinational Readiness Center (JPMRC) exercise, na isinama sa Balikatan drills.
“Balikatan activity siya… however, the firing of the Tomahawk is in support to the JPMRC, a land-based scenario happening in Fort Magsaysay,” saad niya.
Ayon kay Hernandez, may kinalaman ang simulated scenario sa isang kaaway na sumakop sa isang lugar. Kaya nagkaroon ng ground-based response na sinuportahan ng long-range missile capabilities.
Sinabi rin ni Hernandez na precision-guided ang missile na pinakawalan, at matagumpay na tumama sa itinakdang target zone sa Laur—na may layong humigit-kumulang 634 kilometro.
Sinabi niya na ang live-fire event na ito ang unang pagpapaputok ng Tomahawk missile sa Balikatan exercises ngayong taon.— Joviland Rita/FRJ GMA News

