Pinananatiling buhay ng isang 96-anyos na lola ang tradisyunal na pagpapalayok sa kanilang lugar, na edad 12 pa niya natutuhan sa San Juan, Batangas.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok si Nanay Cresencia Ilao Panaligan, na halos walong dekada nang katuwang ang putik sa pagbuo niya ng mga palayok.
“Sinong nagturo? Ang aking magulang. Wala namang trabaho noon ang aking ama, dala ang mga at ilalako sa mga bahay-bahay, pamalit ng palay, ‘yon ang ikinabubuhay namin ng panahon,” kuwento ni Nanay Cresencia.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, hindi lamang isang sining ang paggawa ng palayok kundi isang gawain na nakagisnan ng mga babae bilang parte na tinatawag na “division of labor.”
Dumadaan sa mabusising proseso at tradisyunal na pamamaraan ang bawat palayok na gawa ni Nanay Cresencia.
Galing sa putik, minamasa ni Nanay Cresencia ang luwad na tila tinapay, saka ilalagay sa potter's wheel o gulong.
Ihuhulma ang putik sa korteng mangkok at ibibilad sa loob ng mahigit na isang oras para tumigas.
Pinapatuyo at ibinibilad sa araw ang mga luwad para mapukpok nang maayos. Kapag sakto na ang tigas, mano-mano nang huhulmahin ang luwad sa korte ng palayok gamit ang mga bato na may iba't-ibang sukat at tablang pamukpok.
Saka pupukpukin ang luwad nang paikot hanggang sa bumilog at lumalim ito. Muli itong pupukpukin para kuminis.
Kung kaya naman nasusubok ang galing ng isang magpapalayok sa kaniyang pagpukpok ng palayok.
Matapos nito, muling itatabi ang mga nahulmang palayok sa loob ng ilang araw para mas lalong tumigas at hindi mawala sa hulma. Saka ito isasalang sa pugon na gawa sa kawayan hanggang sa tuluyan itong maging palayok. Panoorin ang video. – FRJ GMA News
