Inakusahan ng kampo ni Leyte Representative at dating speaker Martin Romualdez si Franco Mabanta at ang kaniyang kumpanyang Peanut Gallery Media Network (PGMN) ng pangingikil o extortion, at sinabing hindi pamamahayag ang ginagawa ni Mabanta at ng kaniyang grupo.

Naglabas ng pahayag si Atty. Elaine Atienza, tagapagsalita ni Romualdez nitong Huwebes, matapos igiit ng PGMN na “setup” umano ang pagkakaaresto kina Mabanta upang pigilan silang ilabas ang sinasabing ulat na nag-uugnay kay Romualdez sa flood control issue.

Ayon kay Atienza, ginawa lamang ni Romualdez ang dapat gawin ng sinumang nasa kaparehong sitwasyon kapag kinikilan: ang ireport ang usapin sa awtoridad.

"PGMN is twisting the narrative. Ang isyu dito ay hindi tungkol sa malayang pamamahayag. Lalong hindi ito tungkol sa karapatan ng sinuman na punahin ang gobyerno. Ang tunay na tanong: may humingi ba ng pera kapalit ng katahimikan?" saad ni Atienza sa pahayag.

Sinabi rin ni Atienza na ginamit umano ng PGMN ang sinasabing video expose bilang “leverage” kapalit ng hinihinging pera para sa tangkang pangingikil.

Naaresto si Mabanta at apat pang iba noong Miyerkules sa isinagawang entrapment operation ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI). Nagkakahalaga umano ng P300 milyon ang hinihinging pera ng grupo ni Mabanta kay Romualdez.

Nag-deliver umano ng paunang bayad ang kampo ni Romualdez na nakalagay sa ilang maleta nang isinagawa ng NBI ang entrapment operation sa pagdakip kina Mabanta at apat na iba pa.

Sa parehong araw, isinailalim sina Mabanta sa inquest proceedings kaugnay ng umano’y kasong robbery at extortion laban kay Romualdez.

"The NBI (National Bureau of Investigation) acted on that report pursuant to its mandate under the law. Whatever materials or exposes they claim to possess are irrelevant to the criminal allegations of extortion now under investigation," ani Atienza.

"If anyone believes he has evidence of wrongdoing by public officials, the proper course is simple: release it, submit it to the authorities, and let the proper institutions act on it—not use it as leverage in exchange for money," dagdag niya.

Sabi pa ni Atienza, "That is what PGMN did: they purportedly produced a video that was allegedly ready to run several weeks ago and yet chose not to release it. That is not journalism, that is extortion. Ultimately, this case will be decided by facts, evidence, and the rule of law—not by competing narratives on social media."

Ayon pa kay Atienza, ang ginawa umano ng PGMN ay pagpapahina sa mga lehitimong pamamahayag at sinisira ang tiwala ng publiko sa tunay na mga institusyon ng media.

"Simple lang po ito: Sa demokrasya, malayang pumuna. Pero malinaw po sa ating batas: Isang krimen ang pangingikil," giit ni Atienza.

Ilang oras matapos ang pag-aresto kina Mabanta, naglabas ng pahayag ang PGMN na nagsasabing “inosente” si Mabanta at ang kanyang grupo at inilarawan ang pag-aresto na “setup.”

Ayon sa PGMN, ilang buwan nilang inihanda ang tinawag nilang “komprehensibong” expose tungkol sa umano’y korapsyon na may kinalaman kay Romualdez. Dagdag pa nila, naghahanda silang maglabas ng isang 90-minutong video tungkol dito.

“The episode was filmed several weeks ago. It has been fully edited—it is 90 minutes-long, packed with hard evidence, and ready for release,” saad sa pahayag ng PGMN nitong Miyerkoles.

Itinanggi ng grupo ang alegasyon ng extortion at pinabulaanan ang mga paratang ng NBI.

“There was no extortion. There were ZERO threats from us,” saad ng PGMN sa post. “Romualdez did this to silence us.” — Llanesca T. Panti/FRJ GMA News