Mistulang naging “suki” ng isang reseller sa Iloilo City ang isang scammer na muling bumiktima sa kaniya at nakatangay ng halos P900,000 na halaga ng mga alahas. Ang unang ginawang pangloloko sa kaniya, nasa P300,000 na halaga ng alahas ang nawala.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, isinalaysay ng reseller na nakipagtransaksiyon siya sa isang babaeng nagpakilalang nasa Amerika noong Abril 29.

Abril 30 nang magkasundo sila na bibili ang kausap na babae ng mahigit 100 gramo ng gintong alahas na nagkakahalaga ng halos P900,000.

Bago ipadala ng biktima ang mga alahas sa pamamagitan ng isang courier, hinintay pa niyang makita ang resibo, matapos i-deposito umano ng buyer ang kaniyang bayad sa bangko.

Gayunman, hindi pumasok ang pera sa account ng kaniyang supplier at tumalbog ang tseke.

Hindi na rin umano nagparamdam sa kaniya ang buyer.

Sinabi ng biktima na reseller din umano ng alahas ang scammer, na natuklasan niyang parehong tao na nakatransaksiyon niya noong Abril 27.

Mahigit P300,000 halaga ng alahas ang natangay sa kaniya ng scammer sa kaniya noon.

Nagsampa na ang biktima at kaniyang supplier ng reklamo sa National Bureau of Investigation.—Jamil Santos/FRJ GMA News