Inilahad ni Bea Borres ang dahilan kung bakit kahit buntis siya ay humantong sa hiwalayan ang relasyon nila ni Meray Yamada, na siya namang ama ng kanilang anak.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, ikinuwento ni Bea na matagal na silang “party friends” ni Meray.

“He came from a relationship. And aaminin ko naman, mali. Mali ako du’n. Siguro nakarma ako. Pero siya, kailan siya makakarma?” sabi ni Bea.

Nang tanungin ni Tito Boy kung nag-“overlap,” o may pinagsabay si Meray na iba pang babae, sabi ni Bea, “Well, according to him, break na raw sila. E ako kasi, I came from a relationship before na sobrang ubos na ubos na ako, I moved on to the next agad. Hindi pala ganu’n mga lalaki. Mga lalaki pala, coping mechanism talaga nila ang mambabae,” sabi niya.

“You know the saying, a relationship built on another woman's tears will not work out. Totoo pala 'yun. It will never work,” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Bea, hindi nila pinlano ni Meray ang kaniyang pagbubuntis. Katunayan, papirma na siya ng kontrata sa Kapuso Network.

“Tito Boy! Pa-skyrocket 'yung career ko, magsa-sign up na ako for GMA. As in, may contract na ako and everything. I'm just asking questions. Kina-clarify ko na lang.
Nagko-consult ako sa lawyer ko. So, biglang 'yun, nabuntis ako. So, hindi talaga siya planado.”

Sinabi ng actress at content creator na nalaman niyang buntis siya sa tulong ng mga kaibigang sina Alex Gonzaga at Toni Fowler.

“Si Mommy Oni (Toni), she was giving me advice. Kasi, same kami ng experience. So 'yung past relationship niya, galing din sa breakup… Parang napagod na siya sa akin mag-advise. Sabi niya, ‘Sige lang, gawin mo na kahit anong gusto mong gawin mo, 'wag ka lang magpabuntis!’”

Ayon kay Bea, isang linggo na raw siyang “delayed,” ngunit binalewala niya ito dahil may PCOS siya.

Si Alex naman ang humikayat sa kaniya na magpa-pregnancy test.

“Si ate Alex kasi ang kulit niya. Makulit siya. So, sabi niya, ‘Magpa-test ka na, magpa-test ka na.’ Wala akong choice. Tapos, biglang, may faint light. Right on the spot.”

Kalaunan, nalaman din ito ng isa pa niyang close na kaibigan na si Andrea Brillantes.

“I was so surprised. Like, as in, parang little girl ako. Sakto noong nalaman ko, Blythe was calling. Tapos sinabi ko sa kaniya. Beside si Ate Alex and Mama Oni, tulalang tulala ako, sabi ko, ‘Bestie, I'm pregnant.’ So, she was crying. I forgot why she was crying. Sabi niya, ‘Talaga ba?’ Sabi ko, ‘Anong reaction mo? Masaya ka ba? Bakit ako takot na takot. Ikaw, sayang saya ka. Nabuntis ako.’ Sabi niya, ‘May baby na tayo!’”

Nalaman ni Meray

Aminado si Bea na nang mabuntis siya, hindi niya alam kung paano ito sasabihin kay Meray, kaya tinulungan siya ni Andrea.

“Hindi ko kasi alam kung paano ko sasabihin Tito Boy. Sobrang takot talaga ako [na sabihin kay Meray],” sabi niya. “Takot talaga ako kasi hindi talaga kami ready.”

“Tapos, 'yung relationship kasi namin, on and off nu’ng time na 'yun, press release niya kasi, wala na raw kami, kapal talaga ng mukha niya. Sabi niya, wala na raw kami but we were still together.”

Kalaunan, nang magkita-kita silang tatlo, ibinunyag ni Andrea ang katotohanan kay Meray.

“Tapos hinug niya kami, sabi niya, ‘Bea is pregnant.’ Tapos sabi niya ‘What? Are you serious? I need my mom,’” kuwento ni Bea.

Sa kaniyang pagbubuntis, dito na lumabas ang tunay na ugali ng isa’t isa.

“Nag-kick na siguro 'yung hormones ko, Tito Boy. Nagkick na 'yung expectations ko sa kaniya. Lumabas 'yung tunay na ugali ko. Lumabas 'yung tunay na ugali niya. Kasi siyempre, bago pala kami. So, as a honeymoon phase pala kami. Tapos, biglang boom, buntis ako.”

Hiwalayan

Kuwento ni Bea, nauwi sa pag-aaway nila ni Meray ang kaniyang pagbubuntis.

“Lagi na kami mag-aaway. Inaaway ko siya kasi wala nga siyang initiative. Parang buntis ako. ‘Puwede ba, can you be more romantic?’ Non-chalant kasi siya. Gusto ko lang parang romantic na partner. Siyempre nag-expect ako kasi I'm carrying his child. So, I was really expecting for the love. I needed love. I needed to feel na oh, alam mo 'yun, ‘I will care for you. I will take care of you.’ Pero walang gano’n, Tito Boy.”

Pag-amin ni Bea, pumayag noong una si Meray na alagaan siya. Ngunit hindi maganda ang katapusan nito, at humantong sa hiwalayan.

“At first naman, Tito Boy, he was really willing. He was really willing… Pero nakipag-break ako and expect ko na habulin niya ako kasi siyempre dinadala ko 'yung anak niya. And then three days after na nag-break kami, I was trying. Hinahabol ko siya. Sabi ko, ‘Can we fix this?’ Parang takot na takot ako maging single mom. I'm so scared na maging single mom. Tapos biglang, may kinausap na siya agad.”

Dito na nagdesisyon si Bea na makipaghiwalay.

“Cinut off ko lahat. Binalik ko 'yung pera na ginastos niya. Sabi ko, ayoko na. Kasi Tito Boy, lahat tayo kong tiisin. Pero kapag may babae na na-involve, ayoko na.”

“He was always out kasi kasi nga, actually ako, aaminin ko naman, party girl ako. Kaya nga kami naging friends, naging ganito kasi lagi kami nagpa-party. Tapos every week, no joke Tito Boy, every week, may nagse-send sa akin kung ano-ano. Imagine mo, I was pregnant, hirap na hirap ako, tapos ganon 'yung maririnig. Lahat ng pinaggagawa niya… DMs,” pagpapatuloy pa ni Bea.

Ayon pa sa kaniya, may mga nagpapadala sa kaniya ng mensahe tungkol sa ginagawa umanong pakikipagrelasyon ni Meray sa ibang babae habang buntis siya.

“May nagse-send sa akin na, ‘O nasa labas na naman ex mo, kung sino-sino nilalandi.’ Imagine mo Tito Boy ha, I was, hirap na hirap ako, first trimester pa lang to. Tapos biglang, may magme-message sa akin na ganoon.”

Agosto noong nakaraang taon nang inanunsyo ni Bea ang kaniyang pagbubuntis. Isinilang niya ang bata noong Disyembre 2025.—FRJ GMA News